Saksak

Anak napatay sa saksak ang ama habang nag-iinuman

Gil Aman Jan 25, 2026
217 Views

SINAKSAK hanggang mapatay ng anak ang kanyang tatay makaraan ang mainitang pagtatalo ng dalawa habang kapwa lasing sa loob ng construction barracks sa Barangay Guitnang Bayan 1, San Mateo, Rizal, madaling-araw ng Linggo.

Nagkasugat din ang isa pang kapatid na umawat sa pananaksak ng suspek sa kanyang tatay, dahil sa binalingan itong saksakin.

Ginantihan din ang kapatid na nagresulta sa pagkasugat ng arestadong suspek, na mahaharap sa kasong parricide matapos maaresto.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya sa San Mateo, ang inuman ay naganap bandang alas-9 ng gabi araw ng Sabado.

Tumagal ang kanilang inuman hanggang madaling-araw ng Linggo, kung saan naganap ang mainitang pagtatalo ng mag-ama mga bandang ala-1:10 ng madaling-araw.

Ang away, ayon sa pulisya, ay humantong sa pananaksak ng anak sa kanyang tatay nang sunod-sunod sa bahagi ng katawan. Isinugod sa Casimiro Ynares Memorial Hospital ang biktima kung saan ito nasawi.

Tinangka rin awatin ang suspek ng kapatid na binalingan din ng saksak, ngunit nagkasugat din ang suspek at dinala sa Maclang Hospital kung saan ito inaresto.