Calendar
Manila Rep. Bienvenido Abante Jr.,
Navotas Rep. Tobias “Toby” Tiangco
Chairman Abante: Tiangco paulit-ulit, parang sirang plaka
SINITA ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. nitong Martes si Navotas Rep. Tobias “Toby” Tiangco, at tinanong kung nais ba umano nitong maging “next meow-meow” dahil patuloy nitong pinalalaganap ang mga intriga na walang basehan laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kaugnay ng diumano’y bangayan sa budget.
Sinabi ni Abante, na chairman ng House committee on human rights, na ang paulit-ulit na parinig ni Tiangco ay nagdudulot lamang ng pagkakahati-hati at pagkalito sa publiko, sa kabila ng kawalan ng ebidensiya at pormal na reklamo.
“Gusto mo bang ikaw na ang susunod na meow-meow” tanong ni Abante, na tumutukoy sa aniya’y pattern ng ingay at intriga na walang patunay.
“Kung may ebidensiya, ilabas. Kung wala, tigilan na ang paninira at ang paghahasik ng pagkakawatak-watak. Paulit-ulit siya, parang sirang plaka,” dagdag ni Abante.
Noong Lunes, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na walang katotohanan ang paratang tungkol sa diumano’y pribadong usapan kung saan na-criticize umano ni Pangulong Marcos ang dating Speaker.
Iginiit ni Castro na hindi nabanggit ng Pangulo ang ganoong pahayag sa kanila.
Nagbanta naman si Tiangco na bibitaw sa alyansa kay Pangulong Marcos kung mararamdaman niyang pinoprotektahan umano ng Pangulo si Romualdez sa isyu ng flood control.
Ibinahagi rin ni Abante ang pananaw ni Deputy Minority Leader Antonio Tinio ng ACT Teachers Party-list, na binatikos ang pahayag ni Tiangco na tumangging pipirma sa panibagong impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte hanggang walang nahuhuling “big fish,” at tinawag iyon na tipikal na argumento ng rabid “DDS” supporters.
“There are serious and still unanswered alleged issues of corruption involving the Vice President. These are entirely separate from the flood control controversy, which must be approached strictly on the basis of evidence. It is unfortunate that this discussion is being muddied by tactics reminiscent of galawang DDS,” ani Abante.
Nauna rito, iginiit ni Tiangco na dapat ang pananagutan ay para sa lahat sa gobyerno, maging kay Pangulong Marcos o kay Bise Presidente Duterte.
Binigyang-diin ni Abante na na-clear na si Romualdez ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), na walang nakitang anumang paglabag ng dating Speaker matapos repasuhin ang mga flood control project.
Ipinunto rin niya na mismong si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, ang Senate blue ribbon committee chair, ay sinabing walang ebidensiya na nag-uugnay kay Romualdez sa anumang iregularidad batay sa imbestigasyon ng komite.
Giit ni Abante: “Malinaw ang sinabi ni Senator Lacson: walang ebidensiya. Kapag ang mismong Senate Blue Ribbon na ang nagsabi niyan, ano pa ang hinahabol?”
Aniya pa, walang reklamo laban kay Romualdez sa Office of the Ombudsman o Department of Justice (DOJ), at wala ring kasong umabot sa Sandiganbayan—mga katotohanang, ayon sa kanya, ay mas mabigat kaysa haka-haka.
“Walang reklamo sa Ombudsman, walang kaso sa Sandiganbayan. Iyan ang realidad,” ani Abante. “Kung seryoso ang sinuman sa pananagutan, doon sila dumaan—hindi sa tsismis at press release.”
Kinuwestiyon pa ni Abante ang motibo ni Tiangco sa pagpapatagal ng isyu sa kabila ng paliwanag ng mga institusyong may mandato na mag-imbestiga.
“Kung paulit-ulit na sinasabi ng mga institusyon na walang basehan, bakit pilit pa ring binubuhay ang isyu,” saad ni Abante. “Ano ba talaga ang motibo—paghahanap ng katotohanan o pulitikang paninira?”
Hinimok niya ang mga mambabatas na tigilan ang paggawa ng political theater mula sa usapang budget at ibalik ang pokus sa paggawa ng batas na may direktang benepisyo sa publiko.
“Ang Kongreso ay para sa trabaho, hindi para sa intriga,” ani Abante. “Panahon nang mag-move on at mag-serbisyo sa bayan.”

