Calendar
Source: PNP-PIO
16-anyos na-rescue mula sa online abuse sa Misamis Or.
MABILIS na aksyon ng pulisya ang pumigil sa isang online na krimen matapos iligtas ng Philippine National Police (PNP) ang isang 16-anyos na dalagita mula sa sexual abuse sa Balingasag, Misamis Oriental.
Dahil sa isang beripikadong ulat, agad kumilos ang mga awtoridad upang protektahan ang menor de-edad at maiwasan ang karagdagang panganib, na muling nagpatunay sa pangako ng PNP na pangalagaan ang mga bata sa digital na mundo.
Ayon sa mga ulat, noong Enero 19 ay matagumpay na nailigtas ng operatiba ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG), sa pamamagitan ng Regional Anti-Cybercrime Unit 10, ang dalagita na itinago sa alyas na “Therese” sa Balingasag.
Isinagawa ang operasyon kasabay ng pakikipag-ugnayan sa Department of Justice–Regional Anti-Trafficking Task Force 10 (DOJ-RACETTF 10) at Misamis Oriental Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), matapos makatanggap ng ulat hinggil sa online sexual abuse or exploitation of children (OSAEC).
Pinuri ni acting PNP Chief PLt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mabilis at koordinadong aksyon ng mga yunit na nagsagawa ng operasyon, at binigyang-diin na ang proteksyon ng mga bata ay nananatiling pangunahing prayoridad ng organisasyon.
“This rescue reminds us that crimes against children often happen quietly and online, but the harm is very real,” ani Nartatez.
“Hindi natin hahayaan na masira ang kinabukasan ng ating mga kabataan. The PNP will continue to act fast and decisively to protect them and to hold offenders accountable,” dagdag niya.
Pagkatapos mailigtas, agad na isinailalim si “Therese” sa pangangalaga ng Misamis Oriental MSWDO para sa wastong pag-aasikaso, interbensyon at assessment. Naglunsad na rin ng mas malalim na imbestigasyon ang mga awtoridad upang tukuyin at matagpuan ang mga nasa likod ng pang-aabuso, kasabay ng paghahanda ng kaukulang kasong kriminal.
Nagpaalala rin si Nartatez Jr. sa mga magulang, tagapag-alaga at publiko na maging mas mapagmatyag, lalo na sa online.
“Sa mga magulang at tagapag-alaga, maging mapagmatyag tayo sa online activities ng ating mga anak. Sa mga gumagawa ng ganitong krimen, malinaw ang babala: hahabulin kayo ng batas,” diin niya. “The internet is not a hiding place for those who exploit children.”
Hinikayat ng PNP ang publiko na agad i-report ang anumang pinaghihinalaang kaso ng OSAEC sa official police channels, dahil ang maagap na impormasyon ay maaaring maging susi sa pagligtas ng isang bata.
Ipinapakita ng matagumpay na operasyong ito ang patuloy na pangako ng PNP na protektahan ang mga pinaka-nanganganib at tiyaking ang hustisya ay umaabot sa mga krimeng nagaganap kahit sa likod lamang ng mga screen—alinsunod sa prinsipyo ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.

