DOH

Chiz: Panatilihing aktibo ang Nipah protocols

154 Views

NANAWAGAN si Senador Francis “Chiz” Escudero sa mga awtoridad sa kalusugan at hangganan na panatilihing ganap na aktibo ang lahat ng surveillance at preparedness systems laban sa Nipah virus, kasabay ng pagtaas ng pandaigdigang pag-aalala sa naturang sakit.

Ayon kay Escudero, bagama’t mababa pa sa ngayon ang panganib sa Pilipinas batay sa mga health advisory, ipinapakita ng mga nagaganap sa mga karatig-bansa ang pangangailangan ng tuloy-tuloy at maagap na pagbabantay.

“Public safety depends not only on rapid response but on continuous readiness,” sinabi ni Escudero, sabay banggit na ilang bansa sa Asya ang naghigpit na ng airport health checks kasunod ng mga ulat kaugnay ng Nipah virus sa ibang bansa.

Dagdag niya, kailangang tumbasan ng Pilipinas ang ganitong antas ng kahandaan upang maprotektahan ang mga biyahero at komunidad.

Unang natukoy ang Nipah virus sa Malaysia noong 1998 at kamakailan ay muling lumitaw sa India, kung saan nagpapatupad ang mga awtoridad ng localized containment measures at pinalawak na contact tracing. May mga naitalang outbreak din sa Bangladesh, dahilan upang higpitan ang regional surveillance.

Hinimok ng senador ang Department of Health at Bureau of Quarantine na panatilihing ganap na ipinatutupad ang mga border health protocol, kabilang ang thermal scanning, symptom monitoring, at malinaw na gabay para sa mga dumarating na pasahero. Aniya, mahalaga ang mga ito upang maiwasan ang pagpasok at pagkalat ng mga high-risk pathogen.

Binigyang-diin din ni Escudero ang pangangailangan ng matibay na koordinasyon ng mga ahensya ng kalusugan, transportasyon, at mga lokal na pamahalaan.

“Preparedness is never the work of a single office. It is a shared responsibility that requires synchronized systems, updated data, and timely communication,” aniya.

Idinagdag pa niya na dapat nang maisabuhay ng pamahalaan ang mga aral mula sa mga nagdaang outbreak, lalo na noong pandemya ng COVID-19.

“We should learn from the mistakes of the past, particularly during the COVID pandemic, and strive to do better. That means not repeating those missteps but instead collating and applying the best practices we developed and witnessed, especially from the healthcare professionals and LGUs who were on the frontlines during that time,” ani Escudero.

Binanggit din niya na nananatiling pinakamabisang depensa laban sa mga umuusbong na banta sa kalusugan ang maagang pagtuklas at malinaw na pag-uulat.

“Early detection and transparent reporting remain the strongest defenses against emerging health threats. I call on our authorities to continue refining surveillance tools and ensuring that frontline personnel are equipped with updated protocols,” dagdag niya.

Binigyang-halaga rin ng senador ang malinaw at tuloy-tuloy na public advisories upang maiwasan ang maling impormasyon at mapanatili ang tiwala ng publiko, na aniya’y nakatutulong upang maunawaan ng mamamayan ang mga panganib nang walang takot o panic.

“As global health landscapes shift, the Philippines must stay one step ahead,” ani Escudero.