VP Sara

Handa ang Kamara na tumanggap ng mga reklamong impeachment vs VP Duterte simula Peb. 6

216 Views

SINABI noong Sabado ni House Committee on Public Accounts Chair Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list na handa ang Kapulungan ng mga Kinatawan na tumanggap at umaksyon sa anumang reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte simula Pebrero 6.

Ayon kay Ridon, isang abogado, nakahanda ang Kamara na sumunod sa Konstitusyon at sa mga patakaran ng Kamara habang tumatalima sa nilinaw na mga rekisito ng Korte Suprema (SC) hinggil sa abiso para sa tinatawag na express route ng paghahain ng impeachment.

“Iginagalang po namin ang desisyon ng Korte Suprema sa usapin po na ito. Pero nililinaw din po namin na pagdating ng Pebrero 6, handa ang Kongreso na tanggapin at dinggin ang lahat ng bagong reklamo laban kay VP Sara Duterte,” pahayag ni Ridon sa Saturday Media Forum na ginanap sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

Sa pagresolba ng mosyon para sa muling pagsasaalang-alang ng Kamara, sinabi ni Ridon na epektibong inalis ng Korte Suprema ang mahihigpit na rekisito ng due process na ipinataw sa naunang desisyon nito, partikular ang mga nangangailangan ng paunang abiso at pagbibigay ng kopya ng mga ebidensya sa mga opisyal na maaaring ma-impeach sa yugto pa lamang ng paghahain.

“Umatras po ang Korte Suprema doon sa restrictive due process requirements nila sa original na desisyon kung saan nire-require nila noon na bigyan ng pagkakataon ang mga respondent na impeachable officers na sumagot at magkaroon ng kopya ng mga ebidensya. Wala na po ito ngayon sa resolusyon ng mosyon para sa reconsideration,” dagdag ni Ridon.

Ipinaliwanag ni Ridon na ang pagbabago ng desisyon ng Mataas na Hukuman ay naglalagay na ngayon ng obligasyon sa pagbibigay ng dokumentaryong “abiso” sa mga miyembro ng Kamara na kikilos sa ilalim ng tinatawag na express o one-third route. Ayon sa kanya, kaya itong ipatupad ng Kamara nang hindi pinababagalan ang mga prosesong kinikilala ng Konstitusyon sa pagsisimula ng mga kaso.

“Requirement na lang ng SC ay una: lahat ng House members na sasali sa isang impeachment complaint sa ilalim ng express route ay dapat may kopya ng draft impeachment complaint at lahat ng kalakip na ebidensya. Pangalawa: lahat po ng miyembro na lalahok sa plenary deliberations ng impeachment route na nasa ilalim ng express route ay dapat may kopya rin ng articles of impeachment at ang mga kalakip na ebidensya,” ani Ridon.

Sinabi rin ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chair Joel Chua, isang abogado mula sa Maynila, na susunod ang mga miyembro ng Kamara sa desisyon ng Korte Suprema ngunit may reserbasyon sila at hindi sumasang-ayon sa ilang bahagi nito na, ayon sa kanila, ay pumapasok sa mga panloob na patakaran ng Kamara.

“Bagamat kami ay tatalima sa kautusan ng Korte Suprema at ito po ay aming iginagalang, hindi ito nangangahulugan na kami ay sumasang-ayon,” pahayag ni Chua, na isa ring vice chairperson ng House Committee on Justice.

Itinuro ni Chua ang kanyang tinawag na paglipat mula sa pagkilala sa terminong “session day” patungo sa paggamit ng “calendar day” sa pinakahuling desisyon ng Korte Suprema.

Ipinaliwanag ni Chua kung bakit mahalaga sa praktika ang ganitong pagbabago sa depinisyon, at inilahad na ang tuloy-tuloy na pag-upo ng Kongreso na umaabot sa dalawang petsa ay binibilang lamang bilang isang session day. Binalaan din niya na ang muling pagbibigay-kahulugan sa termino para sa impeachment ay maaaring makaapekto sa mga patakaran sa iskedyul ng Kamara.

Binanggit din niya ang pagdaragdag ng pariralang “deemed initiated” sa pinakahuling desisyon, na ayon sa kanya ay maaaring magpaandar ng one-year bar rule kung hindi kikilos ang Kamara sa loob ng 10 araw ayon sa bagong interpretasyon.

“At hindi ko rin po masisisi kung bakit ang ilan sa mga legal luminaries at ang ating Senate President, si Senate President Tito Sotto, ay nagsasabing nagkakaroon ng judicial overreach,” dagdag ni Chua.