Calendar
Transparency portan ng DA pinuri
PINURI ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang paglulunsad ng Department of Agriculture ng transparency portal, na aniya’y mahalagang hakbang tungo sa pananagutan at mabuting pamamahala sa sektor ng agrikultura.
Ang portal, na matatagpuan sa fmrwatch.bafe.gov.ph, ay nagbibigay sa publiko ng detalyadong impormasyon tungkol sa mga farm-to-market road project ng pamahalaan, kabilang ang kabuuang bilang ng proyekto, halaga ng puhunan, at kasalukuyang kalagayan ng mga ito.
Makikita rin sa portal ang partikular na detalye ng bawat proyekto tulad ng petsa ng pagsisimula at aktuwal na pagtatapos, tagal ng konstruksyon, kabuuang badyet, target na haba, kontratista, ahensiyang nagpapatupad, at kasalukuyang status.
Ayon kay Pangilinan, pinatitibay ng inisyatiba ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng access sa tama at napapanahong impormasyon hinggil sa paggamit ng pondo at mga programa ng ahensiya.
“Mahalaga ang transparency sa pagi-implementa ng mga proyektong ito, lalo na sa panahon na napakababa ng tiwala ng publiko sa gobyerno. This portal ensures that government resources truly reach our farmers and fisherfolk,” ayon sa senador.
Dagdag pa niya, “By opening its data to public scrutiny, the DA is reinforcing its commitment to integrity, efficiency, and service to the people. Good governance thrives when the public is informed.”
Bilang chair ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, sinabi ni Pangilinan na isinulong niya ang pagsasama ng transparency portal sa special provisions ng 2026 budget ng Department of Agriculture na kanyang inisponsoran.
Binanggit din ng senador ang pagsasama ng geotagging at citizens’ participatory audit bilang mga hakbang upang maiwasan ang korapsyon sa pagpapatupad ng mga farm-to-market road project na tumanggap ng P33 bilyong pondo para sa 2026.
Umaasa si Pangilinan na regular na maa-update ang portal at lubos na magagamit bilang kasangkapan sa monitoring, evaluation, at pakikipagtulungan ng publiko.

