Hontiveros

Batas na nagtatatag ng specialty hospital para sa seniors aprub sa Senado

165 Views

INAPRUBAHAN ng Senado noong Lunes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagtatatag ng isang specialty hospital para sa mga senior citizen, na ayon kay Senador Risa Hontiveros ay magpapahusay sa serbisyong pangkalusugan para sa matatandang Pilipino.

Sa botong 23-0, inaprubahan ng Senado ang Senate Bill No. 1509 na naglalayong itatag ang Philippine Geriatric Center.

“Magiging mas madali ng matupad ang good health at long life na lagi nating wini-wish tuwing birthday ng ating mga lolo’t lola dahil sa pagpasa ng Philippine Geriatric Center (PGC) Act,” ani Hontiveros matapos ang pagpasa ng panukala.

Nagpasalamat ang senador sa kanyang mga kasamahan sa Senado sa pagsuporta sa panukalang batas na nakatuon sa kapakanan ng mga senior citizen.

“Maraming salamat sa aking mga kasama sa Senado at muli kaming nagkaisa para sa isa na namang ‘happy bill’ para sa ating mga kababayan, partikular na ang ating mga senior citizens,” aniya.

Ipinahayag ni Hontiveros ang pag-asang maisabatas agad ang panukala, lalo’t may bersiyon na itong naipasa ng House of Representatives noong Disyembre 2025. Binanggit din niya na kinilala ang panukala bilang prayoridad ng Legislative Executive Development Advisory Council at kabilang sa executive legislative agenda ng Department of Health.

“Ang dami nating utang na loob sa ating mga lolo’t lola. Deserve naman nilang masuklian ng maaruga at magaling na pag-alaga, lalo na kung sila’y manghina at magkasakit,” ani Hontiveros. “Sana maisabatas na ang Philippine Geriatric Center Act sa lalong madaling panahon.”

Nakapaloob sa bersiyong inaprubahan ng Senado ang amyenda ni Hontiveros na nag-uutos na ang Philippine Geriatric Center ay dapat maipatayo, magkaroon ng kumpletong pasilidad, at maging operational sa loob ng lima hanggang pitong taon upang maiwasang maging isang inutil na proyekto ng gobyerno.

“Minamandato ng probisyon ko na dapat maipatayo, fully equipped, at operational sa loob ng five to seven years ang Philippine Geriatric Center. Inaasahan kong tutuparin ito ng gobyerno, sa pangunguna ng DOH, sa oras na maipasa ang batas na ito,” ani Hontiveros.

Kasama rin sa mga amyendang pinagtibay ang panukala ni Senador Robin Padilla na inuuna ang mga indigent at low-income senior citizen at iba pang bulnerableng sektor ng matatanda. Ang mga amyenda ni Senador Pia Cayetano ay nag-uugnay naman ng mga programang panlipunang proteksiyon sa geriatric care at tinitiyak ang pagkakaroon ng age-friendly na pasilidad sa ospital.

“Pati sa pangangalaga sa ating mga lolo’t lola, dapat walang naiiwan sa ating lipunan. Sinisigurado ng mga amendments na ito na ang pagtutok natin sa kalusugan ng mga seniors ay alinsunod pa rin sa framework ng universal health care,” ani Hontiveros.

Mayroon ding amyenda mula kina Hontiveros at Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na nagtatakda na ang mamumuno sa Philippine Geriatric Center ay dapat isang lisensiyadong doktor na may sapat na karanasan sa geriatric care at pamamahala ng ospital.