Lacson

Atin ang KIG — Lacson

155 Views

SINABI ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Miyerkules na may matibay na prinsipyong legal na sumusuporta sa pagmamay-ari ng Pilipinas sa Kalayaan Island Group sa Palawan, nang hindi na kailangang makipagtalo sa masalimuot na usapin ng international law.

Ayon kay Lacson, naging pag-aari ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group sa pamamagitan ng paraang kilala bilang discovery and effective occupation.

“Yung Spratly Islands, hindi ba si Tomas Cloma ang naka-discover nito kasi in-occupy niya? And this was formalized by the late President Ferdinand Marcos Sr. by way of Presidential Decree 1596 in 1978,” pahayag ni Lacson sa pagdinig ng House Committee on National Defense.

Binanggit niya ang prinsipyong legal na terra nullius o “nobody’s land,” at sinabi na walang estadong legal na nagmamay-ari ng nasabing teritoryo noong panahong ito ay nadiskubre at inokupa ni Cloma.

Dagdag ni Lacson, kalaunan ay ipinasa ni Cloma ang pagmamay-ari nito sa pamahalaan ng Pilipinas na nagbunsod sa paglabas ng Presidential Decree 1596, bagaman nananatiling saklaw ito ng international law. Aniya, pormal itong kinilala sa pamamagitan ng 2016 arbitral ruling.

Batay sa prinsipyong ito, iginiit ni Lacson na pag-aari ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group. Inalala rin niya ang kanyang pagbisita sa Pagasa Island noong 2021, na tinitirhan ng mga Pilipino.

Sa parehong pagdinig, sinabi ni Senador Rodante Marcoleta na ang ilang bahagi ng Kalayaan Island Group ay “way beyond our exclusive economic zone.”

“So atin ang KIG. And Pagasa Island is a barangay of the KIG municipality, province of Palawan. This is the only inhabited barangay in the KIG and it is ours,” giit ni Lacson.