Senado

Bagong SP, parehong mayorya?

153 Views

PAREHONG mayorya, bagong Pangulo ng Senado? Iyan ang tanong na bumalot sa Senado matapos ang biglaang pag-adjourn, kumalat na hashtag, at mga bulong ng pagpapalit ng liderato na kinasasangkutan ni Senadora Loren Legarda—kahit si Senate President Vicente “Tito” Sotto III pa rin ang pormal na nanunungkulan.

Nagpainit sa usapin ang Facebook post ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan kung saan makikita ang siyam na senador ng mayorya, kasama si Legarda, na may caption na “#powersharing.” Lumabas ang larawan ilang sandali bago bumalik ang sesyon noong Pebrero 2.

Sa nasabing sesyon, si Legarda ang nag-preside mula sa rostrum at agad na in-adjourn ang deliberasyon hanggang Pebrero 9. Naroon si Sotto sa plenaryo habang kapansin-pansing wala ang mga senador ng minorya. Sa saglit na palitan, tinanong ni Legarda si Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ukol sa posisyon ng minorya. Tugon ni Zubiri, alam ito ng minorya, tinawag si Legarda na “Madame President,” at binigyang-diin na may napagkasunduang adjournment.

Sa panayam sa DZMM, binanggit ni Zubiri na posible si Legarda ang maging kauna-unahang babaeng Senate President. Wala raw masama sa ganitong posibilidad, at kinumpirma niyang may mga pag-uusap ukol sa “term-sharing.” Gayunman, nilinaw niya na sa kasalukuyan ay walang pagpapalit ng liderato at si Sotto pa rin ang namumuno.

Ibinunyag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na inalok si Legarda ng mga miyembro ng minorya na tanggapin ang pagiging Pangulo ng Senado, ngunit ito’y tinanggihan niya. Giit ni Lacson, binaligtad pa ang istorya at pinalabas na si Legarda ang nagboluntaryo. Tinawag niya itong “malicious and sadistic.”

Inamin ni Sotto na may nagtangkang palitan siya ngunit ito ay naawat ng mayorya. Kinumpirma rin ni Minority Leader Alan Peter Cayetano na may mga naging pag-uusap ngunit aminadong kulang sila sa kinakailangang 13 boto.

Wala pang inihahaing resolusyon o mosyon upang pormal na hamunin ang liderato ni Sotto. Sa pinakahuling sesyon, siya pa rin ang Pangulo ng Senado.