Calendar
Civil service eligibility para sa 5 taon ng nagtatrabaho sa govt isinulong
ISINULONG ni 1-TAHANAN Party List Rep. Nathaniel Oducado ang panukalang batas para pagkalooban ng “civil service eligibility” ang mga casual at contractual employee na limang taon nang naglilingkod sa pamahalaan.
Sinabi ni Oducado na mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga casual at contractual employee bilang bahagi ng government work force sa pamamagitan ng mahabang panahon ng kanilang pagseserbisyo sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ikinalulungkot ni Oducado na sa kabila ng napakahabang panahon ng paglilingkod at dedikasyon sa kanilang trabaho, walang security of tenure ang mga casual at contractual employees.
Agrabyado ang mga casual at contractual employee sapagkat sa kabilang ng kanilang napakahalagang papel ang ginagampanan nila nawawalan ng halaga, ayon sa kongresista.
Ipinaliwanag din ni Oducado na mahigpit ang demand para sa civil service eligibility kung saan maraming Pilipino ang nagnanais na magtrabaho sa gobyerno.
Binigyang diin nito na 331,675 examinees ang kumuha ng civil service eligibility sa buong bansa subalit 45,730 lamang ang nakapasa sa professional level.
Bunsod nito, nakapaloob sa House Bill No, 6960 na isinulong ni Oducado sa Kamara de Representantes na mabigyan ng civil service eligibility ang mga casual at contractual employees na limang taon ng nagseserbisyo sa gobyerno.

