Calendar
LTFRB naglabas ng SCO vs ‘daredevil’ bus driver
NAGLABAS ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa bus company na sangkot sa mapanganib na pagmamaneho sa expressway.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa nag-upload ng video sa kanyang FB account na kitang-kita ang napakadelikadong pagmamaneho ng bus driver.
“Napanood ko ang video at malinaw na may paglabag sa panig ng tsuper ng bus. Iniimbestigahan na natin kung may mga pasaherong sakay ang bus noong oras ng insidente,” sabi ni Chairman Mendoza.
Sa video, maririnig ang uploader na nagbibigay ng komento habang kinukunan ang pangyayari gamit ang smartphone o dashcam.
Makikita ang bus na gumagawa ng mapanganib na maniobra laban sa isang trak sa expressway. Mabuti na lamang at hindi gumanti ang tsuper ng trak habang mabilis na umalis ang bus.
Hindi katanggap-tanggap ang asal ng tsuper at ito ay isasailalim sa imbestigasyon bilang bahagi ng due process, ayon sa opisyal.
Inatasan ang bus company na iharap ang tsuper sa pagdinig sa Pebrero 25. Inatasan din ang kompanya at ang tsuper na magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa insidente.
“Ang kabiguan ng mga respondent na humarap sa Hearing Officer at magsumite ng sagot ay ituturing na pagwawaksi ng karapatan na marinig at magreresulta sa pagpataw ng kaukulang parusa,” ayon sa SCO.

