Bro. Marianito Agustin

Paggawa ng mabuti wag maging pakitang tao lamang

324 Views

Ash“𝗣𝗮𝗴-𝗶𝗻𝗴𝗮𝘁𝗮𝗻 𝗻𝗶𝗻𝘆𝗼 𝗻𝗮 𝗵𝘂𝘄𝗮𝗴 𝗺𝗮𝗴𝗶𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗸𝗶𝘁𝗮𝗻𝗴-𝘁𝗮𝗼 𝗹𝗮𝗺𝗮𝗻𝗴 𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝗴𝗮𝘄𝗮 𝗻𝗶𝗻𝘆𝗼 𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗯𝘂𝘁𝗶. 𝗞𝗮𝗽𝗮𝗴 𝗴𝗮𝗻𝗶𝘆𝗮𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗴𝗶𝗻𝗮𝘄𝗮 𝗻𝗶𝗻𝘆𝗼, 𝘄𝗮𝗹𝗮 𝗸𝗮𝘆𝗼𝗻𝗴 𝗺𝗮𝘁𝗮𝘁𝗮𝗺𝗼𝗻𝗴 𝗴𝗮𝗻𝘁𝗶𝗺𝗽𝗮𝗹𝗮 𝗯𝘂𝗵𝗮𝘁 𝘀𝗮 𝗶𝗻𝘆𝗼𝗻𝗴 𝗔𝗺𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮𝘀𝗮 𝗹𝗮𝗻𝗴𝗶𝘁”. (𝗠𝗮𝘁𝗲𝗼 𝟲:𝟭)

NGAYONG Miyerkules ng Abo o “Ash Wednesday” ang simula ng panahon ng Kuwaresma. Ito ang pagkakataon upang magnilay, suriing mabuti ang ating puso at konsensiya, magsisi sa ating mga nagawang kasalanan, mangumpisal at magbalik loob sa ating loob Panginoong Diyos.

Ang ating gagawing pagninilay, pananalangin at pagde-debosyon ay kailangan natin gawin ng may sinseridad at katapatan sa ating mga puso. Ang ibig lamang nitong sabihin na ito ay ating ginagawa hindi para tayo ay mapansin ng mga tao, hindi natin ito ginagawa dahil nais nating ipakita sa mga tao na tayo ay banal o dahil gusto nating papurihan tayo ng mga tao. In short, ang ating gawain ay hindi dapat maging pakitang tao lamang.

Ganito ang tema ng ating Mabuting Balita sa araw na ito (Mateo 6:1-6, 16-18) tungkol sa tamang pamamaraan ng pagtitika, pananalangin at paglilimos bilang bahagi ng ating pagbabalik loob sa Panginoon ngayong panahon ng Kuwaresma (Lenten Season).

Ipinapaalaala sa atin ng Pagbasa ang paggawa ng kabutihan para sa ating kapwa dahil ito naman talaga ang tunay na layunin ng Lenten Season. Ang maging Kristo sa mga taong nangangailangan.

Ang maipadama sa kanila ang espiritu ng ating Panginoong HesuKristo sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa.

Subalit nais lamang ipaalaala sa atin ng Ebanghelyo na kailangan lamang natin tiyakin na ang ating mabubuting gawa ay tunay na nagmumula sa ating puso at hindi lamang para mapuri tayo ng mga tao o kaya ay para mag-viral tayo sa social media dahil gusto lang natin ilakita sa mga tao na tayo ay mabait, mapagkawang gawa at matulungin gayong hindi naman talaga ito ang nasa loob ng ating mga puso.

Nawa’y huwag naman nating gamitin ang okasyong ito para lamang isulong ang ating pansariling interes. Tandaan natin na nakikita ng Diyos ang totoong laman ng ating puso sapagkat wala tayong maililihim sa ating Panginoon. Alam niya kung talagang sinsero tayo sa ating ginagawang pagtulong, pananalangin at pagde-debosyon.

Mas mainam pa na gawin natin ng lihim ang anomang tulong na ipagkakaloob natin sa ating kapwa at ang Diyos na mismo na nakakalita sa ating lihim na pagtulong ang bahalagang gumanti sa ating kabutihang loob.

Hindi na ito kailangan pang makita ng mga tao. Maliban na lamang kung talagang gusto natin itong ipagyabang o gusto nating mag-bida-bida. Kaya nga ang paalala ng Ebanghelyo ay huwag na natin itong ipaalam kahit sa ating matalik na kaibigan. Dito pumapasok ang kababaang loob.

Ang kababaang loob ang isa rin sa dapat nating matutunan ngayong Kuwaresma tulad mismo ng ating Panginoong HesuKristo na ayaw ipaalam ang mga ginagawa niya sa kaniyang ministeryo gaya ng pagpapagaling sa mga may sakit, pagpapalayas ng mga demonyo, pangangaral at iba pa.

Ang aral ng Pagbasa ngayon ay napaka-simple lamang. Gumawa tayo ng kabutihan ng lihim, magbalik loob tayo sa Panginoon, magsisi sa ating mga kasalanan at tuwirin ang ating landas. Ito ang panahon para tayo ay mag-isip isip. Ano ba ang nais ko sa buhay ko?

Nawa’y mapag-isip isip nating ngayong Lenten Season kung sa ating pagtanda, anong mga bagay ang nais ng mga tao na maalala sa atin. Marahil ayaw naman nating maalaala nila yung mga masasamang ginawa natin. Kaya ito na ang panahon para baguhin natin ang ating buhay. Life is short. Hindi na tayo bumabata.

Samantalahin natin ang panahon ng Kuwaresma para magbagong buhay at magbalik loob.

AMEN