Zamora

Dagdag flood control projects fund hiniling ng kongresista kay PBBM

Mar Rodriguez Feb 22, 2026
259 Views

NANANAWAGAN si Davao de Oro Rep. Maria Carmen “Maricar” Zamora sa pamahalaan para sa karagdagang pondo para sa flood control project sa kanyang distrito.

Umaapela kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang mambabatas para mabigyan ng karagdagang pondo ang kanilang lalawigan matapos matulungan ng flood control projects ang mga residente sa kaniyang distrito.

Nabawasan ang mga pagbaha sa kaniyang distrito sa gitna ng napakalakas na pagbuhosng ulan dulot ng “shear line” na humagupit sa malaking bahagi ng Mindanao.

“Ipinagmamalaki namin sabihin na ang ating mga flood control projects dito sa ating distrito ay nakatulong ng malaki sa ating mga kababayan para makontrol ang mga pagbaha,” sabi ni Zamora.

Dati ay mabilis lumubog sa baha ang kanilang lugar sa paligid ng Kalaw Bridge sa Agusan River sa Monkayo subalit sa mga nagdaang malalakas na ulan ay hindi na umaapaw ang ilog sa tulay.

Ipinaliwanag din ni Zamora na ang Monkayo ang basin kung saan nagtatagpo ang rumaragasang tubig mula sa mga matataas na lugar kung kaya’t inaasahan ang pagbaha sa tuwing magkakaroon ng malakas na ulan.