NHA

NHA nagbigay ng bahay sa 200 benepisyaryo

Jun I Legaspi Apr 24, 2026
28 Views

IBINIGAY ng National Housing Authority (NHA) ang mga housing units sa 200 kwalipikadong benepisyaryo sa Coron Heights sa Palawan noong Abril 21 bilang patunay na hindi nagbibiro o propaganda lang ang pamimigay ng bahay ng pamahalaan sa mga pamilyang nasalanta ng kalamidad.

Pinangunahan ni Assistant General Manager Alvin Feliciano, bilang kinatawan ni General Manager Joeben Tai, ang turnover ng mga yunit kasama sina Regional Manager Roderick Ibañez at District Manager Engr. Maximo Cabasal sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa ilalim ng Housing Assistance Program for Calamity Victims (HAPCV) ng NHA.

Naglalayong magbigay ng mga pabahay sa Coron Heights, na ipinatupad sa ilalim ng Yolanda Permanent Housing Program (YPHP), ng permanente upang suportahan ang pangmatagalang pagbangon ng mga apektadong pamilya.

Ang bawat 28.4 metro kuwadradong rowhouse unit ay may isang silid-tulugan, kisame, palikuran at paliguan na may lababo.

Ipinapakita ng inisyatibo ang patuloy na pagsisikap ng ahensya na mapabilis ang paghahatid ng permanenteng pabahay para sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad, partikular sa ilalim ng YPHP.

Itinataguyod ng NHA ang pagtatayo ng matatag na mga komunidad habang kinikilala ang tiyaga at pakikipagtulungan ng mga benepisyaryo sa buong proseso.

Isinagawa ang aktibidad sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan, na sumasalamin sa patuloy na ugnayan ng NHA at ng mga lokal na katuwang sa paghahatid ng inklusibo at maagap na mga programa sa pabahay.

Isinusulong ng NHA ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa mabilis na pagtatayo ng mga matitibay na pabahay.