Tsekot vs motor: 1 utas, 1 sugatan

Gil Aman Feb 23, 2026
106 Views

TIGOK ang 27-anyos na guro at sugatan naman ang mapapangasawa niya sa salpukan ng motorsiklo at kotse sa Brgy. 6, Calamba City, Laguna noong Sabado.

Kinilala ang namatay na si alyas Crislyn at sugatan naman si alyas Miguel August, ang sinasabing boyfriend ng nasawi.

Naganap ang salpukan dakong alas-4:30 ng umaga habang binabagtas ng motorsiklo sa JP Rizal St. patungong Crossing, Brgy. Uno nang sumalpok sa Toyota Wigo na minamaneho ni Jebson Calderon, 32.

Sa lakas ng banggaan, tumilapon sa kalsada ang magkasintahan.

Nakasuot ng crash helmet ang dalawa subalit tumilapon dahil sa lakas ng pagsalpok.

Dinala ang guro sa Pamana Hospital kung saan ito idineklarang wala ng buhay bandang alas-6:45 ng umaga dahil sa traumatic brain injury.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, ikakasal ang nasawing guro sa Abril 21 at inihanda na ang lahat ng kailangan at ang venue.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng kotse at sasailalim sa alcohol test at sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries at damage to property.