Calendar
Tsino na nagngangalang Guo timbog dahil ‘pekeng’ Filipino
MATAPOS ang kontrobersyal na kaso ng dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na pinagdudahan ang kanyang pagiging Pilipino, inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isa pang “Guo” na umano’y nagpapanggap bilang Filipino.
Sa ulat kay Commissioner Joel Anthony Viado, sinabi ni BI Fugitive Search Unit (FSU) Chief Rendel Ryan Sy na isinagawa ang operasyon noong umaga ng Pebrero 17 sa Alona Beach Road, Purok 7, Barangay Tawala, Panglao, Bohol. Ang operasyon ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyakin ang pagtugis at pag-aresto sa mga ilegal na dayuhan.
Sa koordinasyon ng BI Intelligence Division, Armed Forces of the Philippines, Philippine Navy, at iba pang ahensyang pang-intelihensiya, naaresto ang 48-anyos na Chinese national na si Guo Jinjin.
Batay sa impormasyong natanggap ng BI, si Guo ay nag-ooperate ng ilang negosyo sa Panglao gamit ang mga Filipino “dummies” o nominees upang makaiwas sa mga restriksyon ng Konstitusyon sa foreign ownership.
Nadiskubre rin ng mga awtoridad na si Guo ay may hawak na Professional Driver’s License mula sa Land Transportation Office (LTO) na nagsasaad na siya ay isang Filipino citizen, taliwas sa opisyal na rekord ng BI na siya ay isang Chinese national.
Ayon sa BI records, huling pumasok sa Pilipinas si Guo noong 2018 gamit ang Special Resident Retiree’s Visa (SRRV). Bagama’t wala siyang derogatory record sa database ng BI, nakumpirma ng LTO na hawak niya ang lisensyang may bisa hanggang Pebrero 2032 na nagpapakita ng maling representasyon ng kanyang citizenship.
Ipinapahiwatig ng discrepancy na maaaring nagsumite si Guo ng pekeng o maling dokumento upang makakuha ng government-issued ID.
Binigyang-diin ni Commissioner Viado ang bigat ng kaso ng mga dayuhang nagpapanggap bilang Pilipino, kaugnay ng kontrobersya kay Alice Guo na tinanggal sa puwesto matapos mapatunayang hindi Pilipino.
“Ang pagkuha ng government identification sa pamamagitan ng maling pag-angkin ng pagiging Pilipino ay hindi simpleng teknikal na paglabag—ito ay direktang pagsuway sa ating soberanya at batas,” ani Viado.
“Kung gagawa ka ng pekeng identidad upang magnegosyo, kumuha ng pribilehiyo, o makihalubilo sa ating komunidad, ito ay malinaw na paglabag at asahan mong haharap ka sa kaukulang parusa.”
Si Guo ay kasalukuyang nakadetine sa pasilidad ng BI habang nakasampa ang deportation charge laban sa kanya.
