Sunog Source: Malayang Bayan ng Arayat FB

Babae patay, kinakasama sugatan sa sunog sa Arayat

Bernard Galang Feb 23, 2026
966 Views

Sunog1Sunog2Sunog3

Sunog4
Source: Malayang Bayan ng Arayat FB

ARAYAT, Pampanga — Isang 27-anyos na babae ang nasawi habang sugatan naman ang kanyang kinakasama matapos masunog ang isang residential na bahay sa Barangay Arenas, Arayat, madaling araw ng Lunes.

Ayon sa ulat, nagsimula ang sunog bandang alas-5:40 ng umaga ngunit pormal lamang itong naiulat sa mga awtoridad dakong alas-7:30 ng umaga, dahilan upang agad rumesponde ang lokal na pulisya at mga bumbero.

Sa paunang imbestigasyon, napag-alamang nagsimula ang apoy sa loob ng silid-tulugan ng lalaking biktima, call center agent, residente ng Purok 4, Barangay Arenas.

Nasa loob ng silid si ang lalaki kasama ang kanyang kinakasama na isa ring call center agent at residente ng Barangay Telapayong, nang magsimula ang sunog.

Ayon sa mga imbestigador, sumigaw ng saklolo ang magkapareha habang mabilis na kumalat ang apoy.

Agad namang nagtungo sa silid ang ama ng lalaki matapos marinig ang paghingi ng tulong ng kanyang anak ngunit nadatnan niyang nakakandado ang pinto.

Sapilitang binuksan ng ama ang pinto at nagawa niyang mailabas ang anak sa ligtas na lugar.

Gayunman, naiwan ang babaeng biktima sa loob ng nasusunog na silid at kalaunan ay idineklarang patay sa pinangyarihan ng insidente.

Nagtamo ng mga sugat ang lalaking biktima at agad isinugod sa Greencity Medical Center sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga para sa karampatang gamutan.

Idineklara ng mga bumbero mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) Arayat na kontrolado na ang sunog bandang alas-7:00 ng umaga.

Ayon sa mga awtoridad, hindi pa matukoy ang tinatayang halaga ng pinsala dulot ng insidente.

Hiniling na ang tulong ng Pampanga Provincial Forensic Unit upang magsagawa ng siyentipikong pagsusuri at matukoy ang eksaktong sanhi ng sunog, habang pormal nang isinailalim sa Bureau of Fire Protection Arayat ang kaso para sa karagdagang imbestigasyon.