Calendar
Parak inaresto suspek sa pagpatay
CAMP BGEN. Paciano Rizal, Sta. Cruz, Laguna–Bumagsak sa kamay ng mga alagad ng batas ang suspek sa pagpatay sa manhunt ng Calamba City police noong Pebrero 23.
Kinilala ni Laguna police director P/Col. Jonar Yupio ang nahuli na si alyas Mark, 23, na ayon kay P/Lt. Col. Dennis C De Guzman natunton ang pinagtataguan sa tulong ng mga mamamayan.
Nahuli si alyas Mark bandang alas-7:20 ng gabi sa Brgy. Sampiruhan, Calamba City, Laguna batay sa warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 105, Calamba City, Laguna para sa kasong murder.
Nasa kustodiya ng Calamba police ang naarestong akusado.
“Ang pagkakaaresto ng akusado ay patunay na hindi tumitigil ang Laguna PNP sa pagtupad sa tungkulin na panagutin ang mga lumalabag sa batas. Tinitiyak namin sa biktima at kanyang pamilya na mananagot sa batas ang taong ito.
Sa lahat ng mamamayan ng Laguna, makaaasa kayo na patuloy at pinaigting ang aming operasyon laban sa mga nagtatago sa batas,” ayon kay Yupio.

