Calendar
Legarda itinutulak reporma sa libreng kolehiyo
PINANGUNAHAN ni Senator Loren Legarda noong Martes ang pagsusulong ng Senate Bill No. 1894 na naglalayong amyendahan at palakasin ang programa ng gobyerno sa libreng tertiary education upang matiyak na ang tulong ng estado ay makarating sa mga estudyanteng higit na nangangailangan.
Sa plenary session noong Pebrero 24, 2026, inilatag ni Legarda ang mahahalagang punto ng panukala at sinabi niyang may “ironclad guarantee for the poorest” ito at idinisenyo upang gawing napapanahon, maaasahan, at nakaayon sa tunay na gastusin ang student assistance.
Ayon kay Legarda, titiyakin ng panukala ang “a TES slot”—isang nakalaang puwesto bilang benepisyaryo sa Tertiary Education Subsidy (TES) program—para sa secondary education completers mula sa mga pamilyang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), basta’t sila ay matatanggap sa paaralang kinikilala ng Commission on Higher Education (CHED) para sa colleges at universities, o ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa technical-vocational programs, pampubliko man o pribado. Dagdag niya, ang mga natitirang subsidy slots ay ipapamahagi batay sa per capita household income.
Sinabi rin ni Legarda na oobligahin ng panukala ang mga pampublikong paaralan na nagbibigay ng tertiary o technical-vocational training—kabilang ang State Universities and Colleges (SUCs), Local Universities and Colleges (LUCs) na pinatatakbo ng LGUs, at state-run Technical-Vocational Institutions (TVIs)—na magtakda ng konkretong admissions criteria para sa disadvantaged learners, gaya ng persons with disabilities, indigenous peoples, at mga estudyante mula sa geographically isolated and disadvantaged areas.
Dagdag niya, magpapatupad ang panukala ng iisang learner reference code mula secondary hanggang tertiary education upang mapahusay ang targeting at maagang matukoy ang mga kuwalipikadong estudyante.
Sa usapin ng tulong pinansyal, sinabi ni Legarda na kapag kuwalipikado na ang isang learner sa TES, ang suporta ay dapat dumating “on time and in full,” sa pamamagitan ng episyenteng disbursement mechanism na maglalabas ng grants sa loob ng term na nakalaan, at magkakaroon ng review kada dalawang taon upang makasabay sa inflation at tunay na cost of schooling. Ayon pa sa kanya, kapag naibigay na ang TES, ang halaga nito ay “may not be reduced.”
Para sa mga kursong may kinalaman sa kalusugan, sinabi ni Legarda na palalawakin ng panukala ang covered school fees upang maisama ang clinical internships at related learning experiences, at palalawigin ang TES benefits para sa mga estudyante sa private higher education institutions upang matulungan silang makatapos.
Nanawagan din si Legarda ng mas mahigpit na pananagutan, at sinabi niyang ang UniFAST—Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education—ang aatasang magtatag ng monitoring, validation, at sanction systems upang matiyak ang wastong paggamit ng TES funds, kabilang ang regular quality assessments na nakatuon sa academic standards, graduate outcomes, at employment rates.
Binigyang-diin ni Legarda na babagsak ang mga reporma kung kulang ang pondo, at sinabi niyang, “A law without a budget is a promise without meaning,” kasabay ng panawagang maipasa agad ang panukala.
Sa parehong session, co-sponsor si Senator Joel Villanueva ng Senate Bill No. 1894 at iginiit na ang “free” ay dapat maging tunay na access—lalo na para sa mga estudyanteng hirap makatapos dahil sa gastusing lampas sa tuition.
Binanggit ni Villanueva ang datos ng Philippine Statistics Authority na, noong 2024, halos 11 milyong Filipino children and youth ang ikinlasipika bilang out-of-school children and youth. Ayon sa kanya, 68.5 percent ang nasa 20 hanggang 24 age group, habang 15.6 percent ang nasa 15 hanggang 19 bracket.
“These numbers remind us that access is not just about tuition. It is about completion. It is about persistence,” ani Villanueva, at sinabi niyang dapat pigilan ng polisiya ang “economic hardship, geographic limitations, or systemic gaps” na nagtutulak sa kabataan na huminto sa pag-aaral.
Ayon kay Villanueva, lilinawin at palalawakin ng panukala ang saklaw ng school fees upang maisama ang essential instructional, laboratory, at clinical internship expenses; isusulong ang equity at inclusion sa admissions para sa learners mula sa disadvantaged sectors; palalakasin ang student support upang masaklaw ang out-of-pocket costs gaya ng books, transportation, lodging, at licensure requirements; at magtatakda ng periodic adjustments upang makasabay ang subsidies sa tumataas na education costs.

