Calendar
6 na miyembro ng Gapos Gang nasakote
ANIM na hinihinalang miyembro ng “Gapos Gang” ang nakapagtangay ng halos P5 milyong halaga ng alahas, salapi at personal na gamit sa pinasok nilang bahay ng babaing real estate sales officer Huwebes ng madaling araw sa Imus, Cavite.
Sa ulat ng tanggapan ni Cavite Police Provincial Office Director P/Col. Ariel Red, alas-3:10 ng madaling araw nang puwersahang pumasok ang mga suspek sa bahay ng biktimang si alyas “Almarie”, 38, sa B6 L15 Legian 1 Subdivision, Brgy. Carsadang Bago matapos sirain ang padlock ng gate.
Ginapos ng mga suspek ang biktima, pati ang kanyang asawa at kanilang babaing anak gamit ang lubid, binusalan ang kanilang bibig, bago tinapalan ng adhesive tape upang hindi makasigaw para humingi ng tulong.
Hinalughog ng mga suspek ang buong kabahayan bago tumakas tangay ang iba’t-ibang uri ng alahas na nagkakahalaga ng P4 milyon, P300,000 cash, at P500,000 na halaga ng mga personal na gamit ng mga biktima, gamit ang isang Toyota Fortuner, na hindi natukoy ang plate number.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga tauhan ni Imus City police chief P/Col. Chey Chey Saulog para maaresto ang mga suspek matapos nilang rebisahin ang mga kuha ng CCTV camera sa bahay ng biktima, pati na ang CCTV ng barangay at mga katabing bahay.

