Lacson

Lacson sa kuwento ng 18 ex-sundalo: Di nagsisinungaling ang math

111 Views

HINDI nagsisinungaling ang math — at sa ngayon, hindi pa rin nagtutugma ang kuwento ng 18 dating sundalo na umano’y naghatid ng P805 bilyon na cash sa ilang indibidwal, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Lunes.

Si Lacson, na chairman ng Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations o Blue Ribbon Committee, ay nagsabing patuloy ang kanyang pagbe-beripika sa mga alegasyon bago magpasya kung magpapatawag ng pagdinig.

“Habang nag-uusap tayo ngayon, patuloy ang ginagawa nating pagfa-fact check. Kasi mahirap magtawag ng pagdinig kung lacking in believability ang sinasabi,” aniya sa panayam sa DZMM.

Binanggit ni Lacson ang umano’y “logistical nightmare” sa pagkuha ng P805 bilyon mula sa mga bangko o kontratista, pati ang pagbibilang, pagre-repack at pamamahagi nito sa mga tatanggap.

Ayon sa naging komputasyon ng yumaong Sen. Ramon Revilla Sr., ang P1 milyon ay tumitimbang ng isang kilo. Kung gayon, ang P805 bilyon ay katumbas ng 805 metriko tonelada. Idagdag pa rito ang bigat ng malalaking maleta na kayang maglaman ng tinatayang P60 milyon bawat isa—na may bigat na apat na kilo bawat maleta—maaabot ang kabuuang 858 metriko tonelada na kailangang ilipat at dalhin.

Sa kabilang banda, sinabi ni Lacson na kung ipagpapalagay na kayang iproseso ang P500 milyon bawat araw nang 24/7 — kabilang ang pagkuha, pagbibilang, pagbubuklod at paghahatid ng pera — aabutin ito ng lima at kalahating taon o hanggang kalagitnaan ng 2028 kung nagsimula noong 2023.

“E di hanggang ngayon nagde-deliver sila kung simula sila 2023,” aniya.

Tungkol naman kay dating Rep. Elizaldy “Zaldy” Co na umano’y nag-utos ng pamamahagi ng pera, kinuwestiyon ni Lacson kung may access ba si Co sa buong P805 bilyon, lalo’t may iba pang personalidad na umaming tumanggap at nagpadaloy ng kickback mula sa mga ghost project.

“Sa P805B na sinasabing delivered, ano ang natira kay Zaldy Co, zero? Messenger lang siya? So we’re talking here of trillions of pesos in kickbacks,” aniya.

“Doon pa lang mahirap ipaliwanag. Tayo pa lang mentally nagko-compute—papaniwalaan mo ba ito? Kung naging P80B lang ito mas believable. P805B sa isang tao lang? Ang kapangyarihan ng appropriations committee chairman ay nasa pagsisingit, pero sa implementation limited ang kanyang access,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Lacson na patuloy niyang sinusuri ang dahilan kung bakit marami sa 18 dating sundalo ang na-dishonorably discharged, dahil dumaraan ito sa due process.

“Para ma-discharge dishonorably, may due process ‘yan. Anong klaseng administrative cases ang kinaharap nila? May kinalaman ba ito sa moral turpitude? Sa pag-abuso sa serbisyo? Grave misconduct? Importante malaman para ma-assess ang credibility ng source. Dalawang bagay ang tinitingnan natin—credibility ng source at credibility ng impormasyon,” aniya.

Nagbabala si Lacson laban sa pagpayag na maging isang “joyride” ang anumang pagdinig kung kulang sa kredibilidad ang mga pahayag.

“If we allow the 18 to appear, it may become a circus. It’s like inviting people to a joyride, especially if we give them a platform knowing that their stories do not add up at the outset,” ani Lacson.

Binanggit din niya ang pangangailangang mahanap sina Mark Ticsay at Paul Estrada, na tinukoy bilang umano’y mga assistant sa sinasabing distribusyon ng pera.

Ayon kay Lacson, titimbangin ng komite ang kredibilidad ng pinanggalingan at ng impormasyon bago magpasya sa susunod na hakbang.