Calendar
Scam hub operator nadakma
INARESTO ng mga agents ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Korean national at nadiskubre ang isa pang pinaghihinalaang scam hub sa Angeles City, Pampanga noong Pebrero 25.
Sa ulat kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, isinagawa ng Intelligence Division-Special Response Team (ID-SRT) ang pag-aresto kay Yu Jaemin, 33.
Sangkot umano ang naturang indibidwal sa pagpapatakbo ng scam hub na target ang kapwa Korean nationals at iba pang banyagang biktima.
Namataan ang suspek na nagtungo sa isang opisina sa Poinsettia St, Angeles City at pagpasok nadatnan ng mga operatiba ang 11 Korean nationals na nakatalaga sa kani-kanilang workstation at gumagamit ng kagamitan para sa operasyon na tumutugma sa ulat hinggil sa scam activities.
Natuklasan na tatlo sa 11 ay may kasong kriminal at may derogatory records, habang ilan pa ang lumalabag sa Immigration Act dahil sa overstaying.
Sa gitna ng operasyon, isa pang Korean national ang dumating at nagpakilalang tagapamahala ng ari-arian. Subalit, natuklasan ng BI na mali ang kanyang pahayag na siya ay ipinadala ng Korean authorities.
Ang mga naaresto ay dinala sa Maynila para sa booking at dokumentasyon, at kasalukuyang nakapiit sa BI Warden’s Facility habang dinidinig ang kanilang deportation cases.
Ayon kay Commissioner Viado, sisiyasatin din ang background ng Korean national na nagtangkang makialam sa operasyon at ang posibleng koneksyon nito sa ilegal na gawain.
“Hindi natin pahihintulutan ang mga sindikatong dayuhan na gamitin ang Pilipinas bilang base ng kanilang panloloko,” sabi ni Viado.

