Senado ipinasa sa 3rd reading pagbuwag sa OMB

97 Views

PASADO na huling pagbasa ang Senate Bill No. 1654 na naglalayong buwagin ang Optical Media Board (OMB).

Layunin ng panukalang batas na gawing moderno ang sistema ng regulasyon sa bansa dahil sa pagbaba ng pangangailangan sa physical media at pagdami ng digital platforms.

Ayon kay Sen. Robinhood Padilla, ang sponsor ng panukala, hindi na akma sa makabagong panahon ang mga tungkulin ng OMB.

“It is only reasonable that we aim to align our institutions with the current times. In this way, the capacity of the Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) in regulation, law enforcement, and management of copyright-related matters will be further strengthened,” pahayag ni Padilla.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang lahat ng kapangyarihan, tungkulin, at mga resources ng OMB ililipat sa IPOPHL.

Titiyakin din na ang mga empleyado ng OMB Secretariat ay maa-absorb ng IPOPHL ng walang mababawas sa kanilang suweldo, benepisyo, o tenure.

Sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian, ang may-akda ng bill, na mas mapapalakas ng hakbang na ito ang kapasidad ng bansa sa paglaban sa piracy.

Ang OMB ay idinisenyo para sa ekonomiya ng disc-based piracy, habang ang IPOPHL ay may mandato na mas angkop sa pagprotekta sa intellectual property rights sa digital era.