Calendar
Pagbuo ng AGRICOM aprubado na
INAPRUBAHAN na ng House Committee on Agriculture and Foods ang panukalang batas na magtatag ng Congressional Commission on Agriculture (AGRICOM).
Layunin ng AGRICOM, sa ilalim ng House Bill No. 6689, na inihain ni dating House Speaker at Leyte 1st district Rep. Ferdinand Martin Romualdez na magsagawa ng national review sa sektor ng agrikultura.
Magrerekomenda rin ang AGRICOM ng pangmatagalang reporma para palakasin ang seguridad sa pagkain, kabuhayan sa kanayunan (rural livelihood) at agricultural productivity.
Kabilang din sa mga authors ng panukala sina TINGOG Party List Reps. Yedda Marie K. Romualdez, Andrew Julian Romualdez at Jude A. Acidre na layunin na magtatag ng independent multi-sectoral body.
Tungkulin ng independent multi-sectoral body na rebyuhin ang kalagayan ng agrikultura at agri-food systems sa Pilipinas kasunod ang pagbubuo ng tiyak na rekomendasyon sa polisiya upang magkaroon ng pang-matagalang agricultural transformation.
Nakapaloob sa panukalang batas na ang AGRICOM ang magsisilbing legislative policy think tank ng Kamara de Representantes na magsasagawa ng komprehensibong pagsusuri sa mga sistema ng produksyong agrikultura at mga regulatory framework.
Bubuo din ang AGRICOM ng 10 taong “strategic roadmap” para sa pagbabago ng agricultural sector na magtatag ng mga prayoridad sa pamumuhunan, mga repormang institusyunal at mga innovation strategies para sa agricultural sector.

