Isko

Manila ni-raffle beneficiaries ng housing projects

Edd Reyes Mar 19, 2026
114 Views

NI-RAFFLE na nina Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang 100 units sa tatlong vertical housing projects para sa mga benepisyaryo noong Miyerkules sa Manila City Hall.

Nasa 1,554 na aplikante ang sumailalim sa screening at na-verify ng Manila Urban Settlements Office (MUSO) na kwalipikadong manirahan sa mga unit ng San Lazaro, Pedro Gil at San Sebastian Residences.

Sinabi ni Mayor Isko Moreno na mula pa noon itinutulak na niya ang programang “Land for the Landless” at ng mahalal bilang alkalde ay ipinatupad kaagad niya ang in-city vertical housing projects.

Sa ilalim ng programang pabahay ng alkalde, ang mga benepisyaryo ay magbabayad lamang ng P2,000 hanggang P3,000 upa para sa 42-metro-kuwadradong unit na may dalawang kwarto at may health care centers, function rooms at serbisyong panseguridad na unit.

Mananatili naman sa pamahalaang lungsod ang pagmamay-ari ng housing units upang maiwasan ang pang-aabuso at pagbebenta sa kanilang units bagama’t pwede naman nilang isalin ito sa miyembro ng kanilang pamilya.

Sa oras namang umasenso na ang benepisyaryo at nagpasyang lisanin na ang inokupang units, ibabalik sa kanila ang kabuuan ng kanilang naibayad.

“We want our people living comfortably, safe. Ibinabalik natin ang dignidad ng bawat pamilya. Hindi tayo titigil hangga’t kaya natin. Ang susunod natin: Binondominium 3, 4, 5, until ubos na lahat ng squatter sa tabing-ilog at ilalim ng tulay,” pagtiyak ni Mayor Isko.