Boga Ang mga suspek na may mga kasong paglabag sa pagdadala ng baril matapos maaresto ng mga operatiba ng MPD sa Maynila.

May dalang boga, 2 naaresto ng mga pulis

Jon-jon Reyes Mar 19, 2026
300 Views

DALAWANG lalaki ang natimbog ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) dahil sa pagdadala ng hindi lisensyadong baril sa Ermita at Tondo, Maynila noong Miyerkules at Huwebes.

Unang naaresto si alyas Mark Louie, 44, bandang alas-11:30 ng gabi nina PCpl Jimmy Cawaling Jr., PCpl Cristian Bacani at PCpl Joel Taboga.

Naaresto ang suspek sa Juan Luna St. corner Corcuera St., Brgy. 61, Tondo, Manila. May hawak na pen gun ang suspek ng maaresto, ayon sa report.

Narekober ang pen gun na kargado ng 1 bala ng cal .38 revolver.

Swak din sa selda ang 27-anyos na lalaki sa mga operatiba ng MPD-Remedios-Ermita Police Station 5 matapos isumbong ng pagdadala ng baril sa Ma. Orosa St., Brgy. 702, Remedios, Manila noong Huwebes.

Kinilala ang suspek na si alyas Julius, 27, na nahuli bandang alas-3:30 ng madaling araw.

Nagtungo sa lugar ang mga pulis upang i-verify ang katotohanan ng impormasyon.

Pagdating doon, nakita nila ang suspek na hawak at kinakalikot ang pen gun na nagresulta para arestuhin ang suspek at kumpiskahin sa kanya ang baril.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong Paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).