CAAP

Sewage treatment, executive bldg., 8 aircraft rescue vehicles puro bago sa CAAP

Jun I Legaspi Mar 23, 2026
152 Views

PINAIGTING ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mga programa sa imprastruktura noong Marso 23 sa pagbubukas ng Sewage Treatment Plant (STP), pag-groundbreak ng 6-storey Executive Building at pagbabasbas ng 8 Aircraft Rescue and Firefighting (ARFF) vehicles.

Bahagi ang mga proyektong sa pagsisikap ng ahensya na gawing moderno at handa sa hinaharap ang mga paliparan ng bansa, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Kalihim ng Transportasyon na si Giovanni Lopez.

Ang STP ay idinisenyo upang palakasin ang pamamahala ng wastewater sa loob ng compound ng CAAP sa pamamagitan ng pagkokonekta ng mga septic system sa isang sentralisadong pasilidad.

Binasbasan ng CAAP ang walong 6×6 ARFF vehicles na nakuha noong 2024.

Bawat unit ay may kasamang makabagong kakayahan sa firefighting kabilang ang 12,500-litro na tangke ng tubig, 1,750 litro ng Aqueous Film Forming Foam (AFFF) at 250 kilos ng Dry Chemical Powder (DCP).

Itatalaga ang mga bagong ARFF units sa Laoag International Airport, Puerto Princesa International Airport, Butuan Airport, Siargao Airport, Busuanga Airport, Bicol International Airport, General Santos International Airport at Tacloban Airport

Magbibigay ang bagong Executive Building ng mas maluwag na kapasidad sa opisina at mas mahusay na koordinasyon, na susuporta sa mas episyente at maagap na operasyon ng buong ahensya.

“Ang mga inisyatibong ito ay malinaw na nagpapakita ng isang direksyon: isang CAAP na mas ligtas, mas makakalikasan at tunay na handa sa hinaharap,” pahayag ni CAAP Director General Raul Del Rosario.

Dumalo sa okasyon sina Transportation Undersecretary for Aviation and Airports Jim Sydiongco, Assistant Secretary for Aviation and Airports Donald Mendoza, Chief Aerodrome Development and Management Service (ADMS) Valentino Dionela, Tourism Undersecretary Shahlimar Tamano, U.S. Embassy Senior Commercial Officer Paul Taylor at BOC Batangas District Collector Carmelita Talusan.