Calendar
Hontiveros nagbabala: Epekto ng pagtaas ng presyo ng langis lumalala
NANAWAGAN si Deputy Majority Leader Senator Risa Hontiveros sa pamahalaan na maglatag ng kongkretong solusyon para sa transport sector, higit pa sa pagsuspinde ng excise tax, kasabay ng babala na lumalala ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga tsuper, operator, at mga pasahero.
Sa kanyang pahayag noong Marso 23, sinabi niyang magandang simula ang P5,000 transport subsidy ngunit kulang ito dahil may mga modern jeepney unit na lugi na ng P1,000 kada araw ng biyahe. Ayon kay Hontiveros, hindi na lang presyo ng langis ang usapin dahil kumokonti ang bumabiyaheng PUV kahit dumarami ang mga pasaherong gustong magtipid sa pamamagitan ng pagsakay sa pampublikong transportasyon.
Iginiit din niya na dapat tulungan ang transport cooperatives dahil sila ang umaako sa mataas na gastos sa diesel habang patuloy pang nagbabayad ng bank loans para sa mga bagong jeepney.
Aniya, kailangang matiyak ng pamahalaan na ang emergency aid ay makarating hindi lamang sa mga indibidwal na tsuper kundi pati sa mga kooperatibang hirap panatilihing umaandar ang kanilang buong fleet.
Binanggit din niya ang kanyang Senate Bill No. 1986 na naglalaan ng P52.8 bilyong supplemental appropriations package para sa fiscal protections sa gitna ng 2026 Middle East crisis. Kabilang dito ang P12 bilyong pondo para sa transport subsidy ng PUV drivers, delivery riders, at Transport Network Vehicle Service drivers.
Isinusulong din ni Hontiveros ang expanded service contracting program upang maipagpatuloy ng mga transport cooperative ang kanilang mga ruta at makabiyahe ang mga tsuper sa halip na tumigil at umasa na lamang sa ayuda. Hiniling din niya na pabilisin ang distribusyon ng subsidy at alisin ang red tape, kabilang ang “first owner” rule sa pagrehistro para sa ayuda, dahil pahirap umano ito sa maraming operator o tsuper na ikalawa o ikatlong may-ari na ng kanilang jeepney units.
“Ang mahalaga, agarang kumilos ang Malakanyang at ang buong gobyerno. Huwag na natin hintayin na maparalisa ang buong transport sector at tumaas lalo ang presyo ng bilihin,” sabi ni Hontiveros.

