Calendar
Source: RTVM
Marcos sa PNPA grads: Zero tolerance sa korapsyon, pang-aabuso sa karapatang pantao
MAHIGPIT na babala ang iniwan ni Ferdinand Marcos Jr. sa bagong graduates ng Philippine National Police Academy — zero tolerance sa korapsyon at pang-aabuso sa karapatang pantao!
Sa ginanap na graduation ng “Silang Paglaom” Class of 2026 sa Silang, diretsahan ang mensahe ng Pangulo: habang tumataas na ang tiwala ng publiko sa kapulisan, marami pa rin ang nagdududa—at kailangang patunayan ng bagong henerasyon ng pulis na karapat-dapat sila sa tiwalang iyon.
“Alam kong marami pa rin sa ating mga mamamayan ay may alinlangan sa kapulisan,” ani Marcos.
Binigyang-diin niya na ang maling gawain ng iilan ay sumisira sa buong hanay—kaya dapat itong linisin mula sa loob.
“Our security is weakened when the hands sworn to protect are tainted,” dagdag pa niya.
Iniutos din ng Pangulo sa Philippine National Police, kasama ang National Police Commission at Department of the Interior and Local Government, na paigtingin ang imbestigasyon laban sa mga pasaway na pulis at tiyaking may pananagutan ang bawat lumalabag.
Ayon sa Pangulo, libo-libong kaso na ang naimbestigahan at may mga naparusahan—patunay na seryoso ang gobyerno sa paglilinis ng hanay.
Bukod sa disiplina, binigyang-halaga rin ang moral at spiritual formation ng kapulisan upang mas tumibay ang kanilang prinsipyo sa serbisyo.
Sa 326 na nagtapos, kinilala bilang top cadet si Van Marie Editha Gundaya Cagasan mula Baybay City, Leyte.
—

