Calendar
Source: Kiko Panglinan FB
Dagdag suporta para sa mga mangingisda, magsasaka itinutulak
NANAWAGAN si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng mas malawak na ayuda at suporta ng pamahalaan para sa mga magsasaka at mangingisda habang patuloy na tumataas ang presyo ng langis dulot ng sigalot sa Middle East, na nagpapabigat sa produksyon ng pagkain at nagpapataas ng pangamba sa seguridad sa pagkain ng bansa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy o PROTECT, sinabi ni Pangilinan na ang tensyon sa rehiyon ay nagtutulak pataas sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na siya namang nagpapamahal sa fuel, transportasyon, pataba, at iba pang mahahalagang kailangan sa agrikultura.
Aniya, mabigat ang tama nito sa maliliit na magsasaka at mangingisda dahil manipis na ang kanilang kinikita at kailangan pa nila ng mas matibay na suporta upang mapanatili ang produksyon.
“Kakaunti na nga lang ang makikinabang, maliit pa,” sabi ni Pangilinan, na tumutukoy sa planong magbigay ng one-time P2,325 cash aid sa apat na milyon lamang sa 10 milyong rehistradong magsasaka.
Binanggit din niya na sa hanay ng mangingisda, 400,000 lamang sa 2.4 milyong fisherfolk ang nakatakdang makatanggap ng ayuda mula sa P10-bilyong Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk na nakapaloob sa 2026 budget.
Sinabi rin ni Pangilinan na nasa 15,000 mangingisda ang nakatakdang tumanggap ng fuel assistance mula sa P150-milyong continuing appropriation sa ilalim ng 2025 budget, na hinati sa tig-P75 milyon para sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at sa Department of Agriculture-Office of the Secretary.
Ayon sa senador, mahalagang unang hakbang ang kasalukuyang ayuda, ngunit maaaring kailanganin pa ang dagdag na suporta upang tumugma sa lawak ng pinapasan ng mga prodyuser ng pagkain. Hinimok niya ang Department of Agriculture na maglatag ng mas malinaw na plano upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na mapanatili ang produksyon.
Inihain din ni Pangilinan ang posibilidad na gamitin ang iba pang mapagkukunan ng pondo, kabilang ang quick response fund ng Department of Agriculture at iba pang available appropriations, at sinabing handa siyang suportahan ang mga kinakailangang legislative at policy adjustments upang mas madaling magamit ang dagdag na pondo.

