PDL1

BuCor, IBP lumagda sa MOA para palakasin akses sa hustisya, legal proteksyon ng mga PDL

112 Views

Nilagdaan nitong Lunes, Abril 6, 2026, ng Bureau of Corrections (BuCor) at Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapatupad ng Unified Legal Service para sa mga kwalipikadong persons deprived of liberty (PDL) na nasa kustodiya ng BuCor.

Ang MOA ay nilagdaan nina BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. at IBP National President Atty. Allan G. Panolong sa isang simpleng seremonya na ginanap sa New Conference Room ng BuCor sa Muntinlupa City.

Ayon kay Catapang, layunin ng MOA na palakasin ang akses sa hustisya at legal na proteksyon ng mga PDL, mapadali ang mga legal na remedyo na maaaring makatulong sa pagbawas ng sentensiya at pagsisikip ng mga kulungan, at maisakatuparan ang sistematikong pagbibigay ng legal aid sa loob ng mga pasilidad ng BuCor.

Sa ilalim ng kasunduang ito, magbibigay ang IBP ng malawak na hanay ng serbisyong legal na naaayon sa natatanging pangangailangan ng mga PDL. Kabilang dito ang representasyon at payong legal para sa mga apela at post-conviction remedies, pati na rin ang pagtulong sa paghahain ng mga petisyon para sa commutation ng sentensiya, pardon, parole, at executive clemency.

Tutulungan din ng IBP ang mga PDL sa paghahain ng mga petisyon para sa habeas corpus at iba pang extraordinary writs upang matiyak na kinikilala at iginagalang ang kanilang mga karapatang legal.

Saklaw din ng kasunduan ang mga aplikasyon kaugnay ng good conduct time allowance (GCTA), credit sa preventive imprisonment, at time allowances para sa mga aktibidad tulad ng pag-aaral, pagtuturo, at mentoring sa loob ng mga pasilidad. Bukod dito, tutugunan din ng legal aid services ng IBP ang iba pang suliraning legal na maaaring lumitaw habang nakakulong ang mga PDL.

Bukod sa pagtulong sa mga PDL, binibigyang-diin din ng MOA ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga empleyado ng BuCor. Magsasagawa ang IBP ng mga legal na seminar at programang pang-edukasyon upang mapahusay ang kaalaman at pag-unawa ng mga kawani sa mga usaping legal na may kaugnayan sa operasyon ng mga kulungan.

Ayon naman kay Panolong, pinatutunayan ng MOA na ang batas ay sandata ng mahihirap at mahihina, at layunin nilang maihatid ang serbisyo ng IBP sa publiko, lalo na sa mga kapos sa buhay.

“Ito ang patunay na sa Pilipinas, ang hustisya ay umiiral at makatarungan,” ani Panolong.