Calendar
Sen. Win: Bayanihan 3 kailangan
DAPAT maghanda ang gobyerno para sa supplemental budget upang protektahan ang mga Pilipino mula sa epekto sa ekonomiya sakaling magpatuloy ang gyera sa Gitnang Silangan.
Ito ang paalala ni Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy at Finance Committees, at sinabing ang pagpapatuloy ng mga amelioration program ay maaaring mangailangan ng P60 bilyon hanggang P400 bilyon kung magtatagal ang sigalot sa Gitnang Silangan.
“Kailangan talaga ng supplemental budget or Bayanihan 3. Halimbawa, pwedeng magbigay ng loan reprieve, sa credit card pwedeng hindi i-charge ng interest for the next one or two months.
Maraming components ‘yan,” ayon sa senador.
Batay sa ulat na isinumite sa Malacañang, inirerekomenda ang isang targeted relief package na kabilang ang P1,500 buwanang ayuda para sa 5 milyong minimum wage earners at mga manggagawa sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na nagkakahalaga ng P7.5 bilyon.
Nagpanukala rin ang ulat ng P1,500 buwanang cash top-up para sa 3.5 milyong benepisyaryo ng 4Ps na nagkakahalaga ng P15.75 bilyon sa loob ng tatlong buwan.
Hinihimok din ng ulat ang pagpapalawak ng suporta para sa mga pamilyang near-poor at mga bagong bulnerableng sambahayan sa pamamagitan ng P3,000 buwanang ayuda para sa 1.4 milyong pamilya na nagkakahalaga ng P4.2 bilyon kada buwan.
Ayon kay Gatchalian, dapat maging handa ang pamahalaan sa mas malawak na tugon kung magpapatuloy ang krisis.

