Free

Lumahok sa Libreng Sakya ni Yorme Isko may dagdag kita

Edd Reyes Apr 7, 2026
270 Views

GINAWA ng P4,000 ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang subsidiya sa mga lumahok na jeepney driver sa programang “Libreng Sakay” ni Mayor Isko Moreno Domagoso.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, ang ikalawang karagdagang subsidiya ay bilang tugon sa panibagong pagtaas na P18.00 kada litro ng diesel na naging epektibo Martes ng alas-6:01 ng umaga.

“Dahil sa pagtaas ngayong araw na ito ng krudo ay lalong liliit iyong kita na ginagarantiya ng pamahalaang lungsod ng Maynila. Kaya po minabuti ko na magpasya na dagdagan ng P500 na extra effective today,” pahayag ng alkalde.

Inanunsiyo rin ni Mayor Isko Moreno ang paglahok pa ng karagdagang 59 na mga jeepney driver sa programa na magsasakay ng mga pasahero sa kanilang tinatahak na ruta ng libre.

Sinabi rin ng alkalde na ang karagdagang pondo para sa kanilang arawang kita sa pamamasada ay kanilang makukuha sa mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nakatalaga sa kanilang dinaraanang ruta.

Magugunita na noong nakaraang linggo ay tinaasan ng P500 ng alkalde ang dating P3.000 subsidiya sa mga lumahok na driver dahil sa pagtaas din ng P12.00 kada litro ng diesel na labis na ikinagalak ng mga kalahok na tsuper.