Calendar
Dy: Gawing inspirasyon mga bayani upang patuloy na mahalin ang bayan
NANAWAGAN si Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III noong Huwebes sa mga Pilipino na humugot ng inspirasyon mula sa tapang at sakripisyo ng mga bayani ng bansa habang ginugunita ang Araw ng Kagitingan, at binigyang-diin na ang tunay na katapangan ay makikita pa rin sa pang-araw-araw na paglilingkod at pagbuo ng bansa.
Ginawa ni Dy ang panawagan habang ipinagdiriwang ng bansa ang ika-84 na Araw ng Kagitingan ngayong Abril 9, 2026 na may temang “Giting ng Bayani, Pamana sa Salinlahi,” na nagbibigay-diin sa pangmatagalang pamana ng tapang, pagmamahal sa bayan, at sakripisyo ng mga beteranong Pilipino, at naglalayong magbigay-inspirasyon sa kasalukuyan at susunod na henerasyon.
Ayon sa Speaker, ang paggunita ay paalala ng kabayanihang ipinakita ng mga sundalong Pilipino na lumaban para sa kalayaan at ng patuloy na tungkulin ng kasalukuyang henerasyon na pangalagaan at patatagin ang bansa.
“Ngayong Araw ng Kagitingan, ginugunita natin ang tapang, sakripisyo, at pagmamahal sa bayan na ipinakita ng ating mga bayani—lalo na ng mga sundalong Pilipino na lumaban para sa ating kalayaan,” ani ng Speaker.
Binigyang-diin niya na ang kalayaang tinatamasa ng mga Pilipino ngayon ay bunga ng sakripisyo at nararapat na pangalagaan sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap at dedikasyon sa bansa.
Dagdag ni Dy na “ang kanilang tapang ay paalala sa atin na ang kalayaang tinatamasa natin ngayon ay hindi basta ibinigay—ito ay pinaghirapan at ipinaglaban.”
Sinabi rin ng Speaker na ang kabayanihan ay hindi lamang makikita sa panahon ng digmaan kundi pati sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino na naglilingkod sa kapwa, tumutulong sa komunidad, at nagsusumikap para sa mas magandang kinabukasan.
“Ang tunay na kagitingan ay hindi lamang makikita sa gitna ng digmaan. Nakikita rin ito sa araw-araw na pagsisikap ng bawat Pilipino na maglingkod, tumulong sa kapwa, at magtayo ng mas maayos na kinabukasan para sa ating bansa,” aniya.
Ipinahayag ni Dy ang pag-asa na ang halimbawa ng mga bayani ng bansa ay patuloy na magbibigay-inspirasyon sa pagkakaisa, pagmamahal sa bayan, at paglilingkod sa publiko sa iba’t ibang henerasyon.
“Nawa’y magsilbing inspirasyon ang kanilang halimbawa upang patuloy nating mahalin, ipagtanggol, at paglingkuran ang ating inang bayan. Mabuhay ang ating mga bayani. Mabuhay ang Pilipinas,” ani Dy.

