Chua1

Chua: Mahigpit na sinusunod ng Kamara ang impeachment process na itinakda ng SC

75 Views

IGINIIT ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Joel Chua ng Maynila nitong Biyernes na mahigpit nang sinusunod ng House of Representatives ang tamang proseso ng impeachment na hinihingi ng Korte Suprema (SC).

“Mahigpit na sinusunod ngayon ang tamang prosesong itinakda ng Konstitusyon at ng Supreme Court,” ani Chua habang inilalatag ang mga hakbang na isinagawa ng Kamara sa paghawak ng mga reklamo.

Ayon kay Chua, malinaw at sunod-sunod ang ginawang proseso ng House: “Tinanggap ang reklamo, sinuri kung kumpleto at may basehan, binigyan ng pagkakataon ang inaakusahan na sumagot, at nagtakda ng mga pagdinig upang linawin ang mga isyu.”

Binigyang-diin niya na ang mga hakbang na ito ay naaayon sa inaasahan ng Korte Suprema sa mga impeachment proceedings.

“Ang nais ng Korte Suprema: sundin ang tamang proseso, igalang ang karapatan ng inaakusahan, at tiyakin na patas ang imbestigasyon,” ani Chua.

“Hindi puwedeng shortcut. Dapat maayos, patas, at naaayon sa batas,” dagdag pa niya.

Binalikan din ni Chua ang naunang desisyon ng SC na tumukoy sa mga kakulangan sa dating proseso, na naging dahilan ng tagumpay ng respondent sa usaping legal.

“Ibig sabihin, hindi dahil walang kaso — kundi dahil may pagkukulang sa proseso,” ani Chua.

Dahil tinutugunan na ng Kamara ang mga kakulangang ito, iginiit ni Chua na walang batayan upang ihinto ang kasalukuyang proceedings.

“Pero hindi na dapat pigilan ang proseso na siya mismo ang humiling na sundin sa Korte Suprema noong nakaraang taon,” ani Chua.

Binigyang-diin ni Chua na ang kasalukuyang proseso ay nakabatay sa pagiging patas, due process, at pagsunod sa mga pamantayang konstitusyonal, upang matiyak na parehong panig—ang mga nagrereklamo at ang respondent—ay nabibigyan ng buong pagkakataong marinig.