Sen. Mark nagpasa ng panukala na mag-uutos sa mga GOCCs na magpatupad ng loan moratorium, condonation

96 Views

NAGHAIN si Sen. Mark Villar ng Senate Resolution No. 366 na naglalayong himukin ang mga government-owned and controlled corporations (GOCCS) at mga institusyong pinansyal na magpatupad ng loan moratorium, grace period, at condonation ng penalties upang matulungan ang mga Pilipino na makayanan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Saklaw ng panukala ang mga ahensyang pampinansyal tulad ng Social Security System, Pag-IBIG Fund, National Home Mortgage Finance Corporation, LandBank, at Development Bank of the Philippines.

“Dapat nating bigyan ng agarang ginhawa ang ating mga kababayan. Ang pansamantalang suspensyon ng bayarin at pagtanggal ng penalties ay malaking tulong upang makabangon sila sa gitna ng krisis,” ani Villar.

Sinabi niya na hinango ang mga mungkahing hakbang sa mga naunang tugon sa panahon ng emergency upang maiwasan ang default at masuportahan ang pagbangon ng ekonomiya.

“Naging matagumpay po ang implementasyon natin nito sa Bayanihan to Recover as One Act, and nakita natin ang positibong impact nito sa matanggumpay na implementasyon ng Balik Ginhawa ng GSIS, accomplishing the end goal of providing cash relief to eligible members and pensioners,” dagdag niya.

Binanggit ni Villar na pinag-aaralan na ng Social Security System ang loan moratorium at penalty condonation, habang kumikilos ang Bangko Sentral ng Pilipinas upang ipatigil ang pagpapataw ng penalties sa mga apektadong borrower.

Kung maipatutupad, inaasahang magbibigay ang panukala ng agarang tulong pinansyal habang pinananatili ang katatagan ng pondo ng mga GOCC at iba pang institusyong pinansyal ng pamahalaan.