Remulla

Ombudsman nagkumpirmang dadalo sa pagdinig sa impeachment

68 Views

INAASAHAN ng House Committee on Justice ang pagdalo ng Office of the Ombudsman sa pagdinig ng impeachment sa Martes habang kumikilos ang mga mambabatas upang makuha ang mahahalagang dokumentong pinansyal kaugnay kay Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte, kabilang ang kanyang mga statement of assets, liabilities and net worth (SALN).

Sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, chair ng House Committee on Public Accounts, nitong Sabado na nagkumpirma na ang Office of the Ombudsman ng kanilang paglahok sa pagdinig.

“Sa tingin ko ay nag-confirm ang Office of the Ombudsman, at sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na magpapadala siya ng opisyal na may access sa mga SALN,” ani Ridon sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

Dagdag pa niya, bukas din ang pagkakataon para sa mismong Ombudsman na dumalo kung nanaisin niya.

“Ngunit siyempre, malugod naming tinatanggap ang Ombudsman kung nais niyang dumalo sa impeachment proceedings,” ani Ridon.

Ayon kay Ridon, hindi lamang testimonya ang tinitingnan ng justice panel kundi binibigyan din ng malaking halaga ang documentary evidence mula sa Ombudsman, Bureau of Internal Revenue (BIR), at Securities and Exchange Commission (SEC).

“Ang totoo, tulad ng nabanggit ko kanina, ang nais nating maisalang ay ang pinakabago at pinaka-matibay na mga ebidensya,” ani Ridon.

Sinabi niya na bukod kay Ramil L. Madriaga, itinuturing ng panel na ilan sa pinakamahalagang ebidensya ang mga rekord pinansyal at korporatibo mula sa mga ahensyang ito.

“Kaya bukod kay Mr. Madriaga, isa sa pinakabago at pinaka-matibay na ebidensya ay ang documentary evidence mula sa Ombudsman, BIR at SEC,” paliwanag ni Ridon.

Ayon sa kanya, makatutulong ang mga dokumentong ito upang matukoy kung maipapaliwanag ang yaman ng Pangalawang Pangulo batay sa mga rekord.

“Dito makikita kung may hindi maipaliwanag o maipapaliwanag ba ang yaman ng ating Pangalawang Pangulo, dahil pagbabatayan natin ang forensic analysis ng kanyang 2024 SALN at net worth na P88 milyon,” ani Ridon.

Ibinunyag din ni Ridon na inaasahang tatalakayin sa pagdinig sa Martes hindi lamang ang SALN at tax records kundi pati ang hiwalay na isyu ng confidential funds at ang ulat ng Commission on Audit (COA) hinggil sa umano’y maling paggamit nito.

“May partikular ding pokus sa umano’y misuse ng confidential funds, at maisasalang din ang opisyal ng COA na gumawa ng ulat tungkol dito,” ani Ridon.

Aniya, babalikan sa pagdinig kung ano ang maaaring ipakita ng COA report at ng mga kaugnay na saksi tungkol sa paggamit ng confidential funds sa Department of Education at sa Office of the Vice President.

“Pag-uusapan kung ano ang naging paglabag sa Department of Education at sa Office of the Vice President sa paggamit ng confidential funds, lalo na halimbawa ang paggamit nito sa mga non-confidential expenses gaya ng team building,” diin ni Ridon.

Dagdag pa ni Ridon, inaasahan ng komite na sa Martes ay makukuha na nila ang mga na-subpoena na SALN ni Duterte mula 2007 hanggang 2024, pati na ang mga tax document na sumasaklaw sa Pangalawang Pangulo, sa kanyang asawa na si Mans Carpio, at sa mga kumpanyang nakalista sa kanyang 2024 SALN.

“Inaasahan namin na sa Martes ay makuha na rin namin ang lahat ng na-subpoena na dokumento, partikular ang mga SALN ng Pangalawang Pangulo mula 2007 hanggang 2024 mula sa Ombudsman, pati lahat ng tax documents kabilang ang income tax returns ng Pangalawang Pangulo, ng kanyang asawa na si Ginoong Mans Carpio, at ng kanilang mga kumpanyang nakalista sa kanyang 2024 SALN,” ani Ridon.

Sinabi rin niya na inaasahan ng panel na makuha ang mga corporate at financial documents ng mga kumpanyang ito, bagama’t nilinaw niya na kung hindi man maisalang ang lahat ng inimbitahang personalidad sa Martes, maririnig pa rin ang kanilang panig sa mga susunod na pagdinig.

“Inaasahan din natin na makukuha ang lahat ng corporate at financial documents ng kanilang mga kumpanyang nakalista sa kanyang 2024 SALN,” ani Ridon.