Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
Ortega

Ortega hinimok VP Sara na humarap wag umiwas sa pagdinig ng Kamara

95 Views

BINIGYANG-DIIN na karapat-dapat ang publiko sa malinaw na mga sagot—hindi pag-iwas—hinimok ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union noong Lunes si Bise Presidente Sara Z. Duterte na humarap sa mga pagdinig ng House Committee on Justice at itigil ang mga hakbang upang harangin ang proseso sa Korte Suprema (SC), na aniya’y ang katotohanan ay dapat sinusubok sa harap ng publiko—hindi iniiwasan sa pamamagitan ng teknikalidad.

Si Ortega, isa sa mga nag-endorso ng ikaapat na impeachment complaint, ay nagsabing nararapat sa publiko ang kalinawan na nakabatay sa ebidensya, at nagbabala laban sa aniya’y padron ng pag-iwas at mga pagtatangkang ihinto ang proseso sa pamamagitan ng mga petisyon para sa temporary restraining order (TRO).

“Karapat-dapat ang publiko sa mga sagot na nakabatay sa ebidensya, hindi sa pag-iwas. Kung may depensa, ilahad. Kung may tanong sa testigo, itanong sa hearing. Hindi puwedeng i-dismiss sa labas ang mga testigo pero iiwasan ang pagkakataong harapin sila sa loob ng proseso,” ani Ortega.

Binigyang-diin ni Ortega na ang mga pagdinig sa Kamara ang tamang forum para sa Bise Presidente upang iharap ang kanyang panig at direktang tugunan ang mga alegasyon.

Itinuro rin ng lider ng Kamara mula La Union ang aniya’y malinaw na kontradiksyon sa paninindigan ni Duterte, at binanggit na ang kanyang kampo ay dati nang nanawagan para sa pagdinig sa Kamara bilang bahagi ng due process.

“Ano ba talaga ate? Sabi ninyo gusto ninyo ng hearing muna sa House bago ang Senate impeachment court para marinig ang panig ninyo, ngayon namang may hearing, pinipigilan ninyo pa rin. Kung talagang mahina ang ebidensya, humarap at sumagot kayo. Hindi puwedeng nagtatago sa teknikalidad para lamang umiwas. Bistado na ang ganitong estilo at napapansin na ito ng mga tao,” ani Ortega.

Binigyang-diin ni Ortega na ang “mga pagdinig sa impeachment ay layuning maitaguyod ang katotohanan sa pamamagitan ng ebidensya at mga testimonya sa ilalim ng panunumpa—hindi sa pamamagitan ng mga pahayag sa publiko sa media briefings sa labas ng proseso.”

Sa nakatakdang pagpapatuloy ng mga pagdinig, iginiit niya na “bukas pa rin ang pagkakataon para sumagot,” at binigyang-diin na mas napapanagot ang mga sangkot kapag ang mga isyu ay tinatalakay sa loob ng forum na itinakda ng Konstitusyon at mga patakaran ng Kamara.