Calendar
Gobyerno naglatag ng serye ng hakbang vs krisis sa enerhiya
NAGLATAG ng serye ng hakbang ang administrasyon ni Ferdinand R. Marcos Jr. upang mapababa ang presyo ng pagkain sa gitna ng umiiral na energy emergency sa bansa.
Sa pahayag mula sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na inatasan niya ang Department of Agriculture at ang Tariff Commission na pag-aralan ang pagbaba ng taripa sa mga inaangkat na pagkain upang agad maramdaman ang ginhawa sa presyo sa merkado.
“Inutusan ko na ang Department of Agriculture at saka ‘yung Tariff Commission na pabababain ang taripa sa mga inaangkat na pagkain upang makatulong sa pagbaba ng presyo para sa ating mga namimili,” ayon sa Pangulo.
Gayunman, iginiit niya na hindi dapat mapabayaan ang lokal na sektor. “Pero malinaw ang directive na ito. Hindi ito pwedeng gawing basta-basta. Bawat hakbang, malinaw ang proteksyon sa ating lokal na produksyon. Poprotektahan natin ang mga consumer, ang mga magsasaka, at ang industriya.”
Kasabay nito, paiigtingin din ang pagpapabilis sa pagproseso ng mga permit tulad ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) at Certificate of Necessity to Import upang mapabilis ang pagpasok ng suplay ng pagkain sa bansa.
Inihayag din ng Pangulo na tinanggal na ang toll sa mga fish port, habang binabawasan ang iba’t ibang bayarin sa mga daungan gaya ng sa Subic Bay at Cebu upang hindi na madagdag sa presyo ng pagkain ang logistics cost.
“So, mababawasan ang gastos mula sa anchorage, sa berthing fee, cargo handling, storage fees para hindi na ito madagdag sa presyo ng pagkain,” ani Marcos.
Dagdag pa rito, ibinaba ng Philippine Ports Authority sa piso ang RORO terminal fee para sa mga sasakyang nagdadala ng produktong agrikultura upang mapanatiling tuloy-tuloy ang suplay.
Pinalalawak din ang Benteng Bigas program kung saan dadagdagan ang mga outlet at pahahabain ang oras ng bentahan, partikular para sa mga senior citizen, PWD, at solo parents, bilang bahagi ng hakbang para mapagaan ang gastusin ng mga Pilipino.
—
SOURCE: https://pco.gov.ph/news_releases/govt-carries-out-measures-to-reduce-food-prices-pbbm/

