Calendar
Romualdez inilabas mga rekord, hinamon mga kritiko: “Sundan ang ebidensya”
IDINEKLARA noong Martes ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na hindi niya papayagan na siya ay gawing scapegoat o bagsakan ng sisi sa nagpapatuloy na kontrobersiya sa flood control, habang sinimulan niyang buksan sa publiko ang kanyang mga rekord at hinamon ang mga imbestigador na sundan ang buong hanay ng pananagutan.
“Hindi ako papayag na gawing scapegoat para sa mga gawaing hindi ko naman ginawa,” ani Romualdez, matapos ang ilang linggong pananahimik. “Ang katotohanan ay hindi natatakot sa pagsusuri—at ganoon din ako.”
Sa isang matibay na hakbang, pinahintulutan ni Romualdez ang paglalabas sa publiko ng kanyang sinumpaang salaysay at mga kalakip na dokumento, na aniya’y nararapat makita ng mga Pilipino upang malaman ang katotohanan.
“Wala akong itinatago. Hayaan nating ang sambayanang Pilipino ang humusga batay sa ebidensya—hindi sa haka-haka o pulitika,” aniya.
Binigyang-diin niya na lubos siyang nakipagtulungan sa mga awtoridad mula pa sa simula, kabilang ang pagharap sa mga imbestigador at boluntaryong pagsusumite ng mga dokumento.
Tinanggihan ni Romualdez ang mga paratang na siya umano ang utak sa anumang korapsyon, at tinawag itong “katawa-tawa” at malayo sa kung paano talaga gumagana ang pamahalaan.
“Ang pambansang badyet ay hindi gawa ng iisang tao,” aniya. “Ito ay bunga ng isang prosesong konstitusyonal na kinabibilangan ng Ehekutibo, ng Kamara, at ng Senado.”
Binigyang-diin din niya na ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay isang kolektibong katawan kung saan ang mga desisyon ay pinagbubuo-sama—hindi ng iisang tao lamang.
Ipinaliwanag ni Romualdez ang pagkakaiba ng paggawa ng batas at pagpapatupad nito: bagama’t ang Kongreso ang naglalaan ng pondo, ang pagpapatupad—kabilang ang procurement, pagsasagawa ng proyekto, at paglalabas ng pondo—ay nasa ilalim ng Ehekutibong sangay, kasama ang mga ahensiya tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Kung may naganap na iregularidad, dapat sundan ang pananagutan sa buong proseso—hindi piliin lamang kung kanino ito ibibintang,” aniya.
Upang sagutin ang mga paratang, sinabi ni Romualdez na handa niyang buksan ang lahat ng proyekto sa kanyang distrito para sa beripikasyon ng publiko, at iginiit na ang anumang akusasyon ng sistematikong korapsyon ay dapat suportado ng konkretong ebidensya sa mismong mga proyekto.
“Kung ako ay sangkot, makikita ito sa mga proyektong inuugnay sa akin. Handa ako sa masusing pagsusuri,” aniya.
Sa pagtukoy sa Office of the Ombudsman, hinikayat ni Romualdez ang mga imbestigador na manatiling obhetibo at huwag magpadala sa presyur ng pulitika.
“Sundan ninyo ang ebidensya saan man ito magtungo. Ang hustisya ay nangangailangan ng pagiging patas, hindi ng kaginhawaan,” aniya.
Muling iginiit ni Romualdez na handa siyang sagutin ang lahat ng paratang sa tamang prosesong legal.
“Haharapin ko ito nang buong tapang. Wala akong kinatatakutan sa katotohanan,” ani Romualdez.

