Oducado

Trabaho sa ex-bgy officials ipinanukala ng mambabatas

Mar Rodriguez Apr 21, 2026
28 Views

ISINUSULONG ni 1-Tahanan Party List Rep. Nathaniel Oducado na mabigyan ng trabaho ang mga dating opisyal ng barangay na natapos na ang termino subalit nananatiling “jobless” dahil nahihirapan silang makapasok sa permanenteng serbisyo sa gobyerno.

Inihain ni Oducado ang House Bill No. 8793 na kumikilala sa karanasan ng mga pinuno sa “grassroots level” sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng prayoridad sa pag-aaplay sa isang plantilla position mula sa Local Government Unit (LGU)at national agencies kung taglay nila ang Civil Service Eligibility.

Sinabi ng kongresista na ang HB No. 8793 ay nag-uutos sa Civil Service Commission (CSC) kasama ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Budget and Management (DBM) para bumuo ng programa para sa pagsusuri ng kakayahan (skills assessment) at pagsasanay.

Sa kasalukuyan, ang kanilang mga taon sa serbisyo ay madalas na hindi nabibigyang-halaga sa kabila ng kanilang napatunayang kakayahan. Kung saan, sayang umano ang kanilang talento na kailangang ng pamahalaan.

“Right now, their years of service are often overlooked despite their proven skills, which waste talent that government badly needs. Sayang lang ang kanilang husay at talento,” wika nito.

Dahil dito, binigyang diin ng party list solon na ang kaniyang panukalang batas ay bilang pagkilala sa kanilang serbisyo.