Hontiveros

Sen. Risa: Oil price rollback dapat may kasunod na hakbang

35 Views

SINABI ni Senate Deputy Majority Leader Risa Hontiveros na dapat sundan ng mas malawak na hakbang ang huling rollback sa presyo ng langis gaya ng pagsuspinde ng excise tax at pag-aaral sa pagbawas ng value-added tax sa mga produktong petrolyo.

Mabuting hakbang ang rollback ngunit dapat tiyakin ng gobyerno na ganap itong ipatutupad ng mga oil firm at gas station at hindi lamang sa maliit na bawas, sabi ng senador.

“May rollback, ok yan. Pero dapat bantayan kung susunod talaga ang oil firms at kanilang gas stations sa malakihang rollback, at hindi patingi-tingi lang,” ani Hontiveros.

Marami ring mamimili ang dumaraing sa mataas na singil sa gitna ng krisis, at idinagdag na malayo pa rin ang presyo ng petrolyo sa antas nito bago ang gyera at maaari pa itong tumaas muli anumang oras, ayon kay Hontiveros.

“Malayo pa rin tayo sa presyo ng petrolyo bago ang gyera, at anytime, pwede pa ulit tumaas yan. Kaya hindi pwedeng sa rollback matapos ang usapan,” sabi ng senador.

Ayon kay Hontiveros, mas mararamdaman ng publiko ang ginhawa kung isususpinde ang excise tax at dapat ding pag-aralan ang pagbawas ng value-added tax upang maprotektahan ang mga konsyumer.

Inulit din niya ang panawagan na maipasa ang nauna niyang mungkahing P52.8-bilyong emergency supplemental budget para sa mga sektor na pinakaapektado ng mataas na presyo ng langis, kabilang ang mga public transport driver, overseas Filipino workers, mga magsasaka at mangingisda.