Calendar
Proteksyon sa mga freelancers ipinanukala ng party list rep
GUSTO ni 1-Tahanan Party List Rep. Nathaniel Oducado na maproteksyunan ang mga “freelancer o Pilipinong self-employed” laban sa hindi pagbabayad, hindi patas na kontrata at iba pang pang-aabuso.
Ito ang nakapaloob sa House Bill No. 8785 na inihain ni Oducado sa Kamara de Representantes dahil para kanya kulang pa rin ang mga legal na proteksyon ng mga freelancer kahit lumalaki ang kanilang papel sa ekonomiya ng bansa.
Sinabi ng kongresista na napakaraming freelancer ang hindi nababayaran, kulang sa bayad habang ang iba naman ay napipilitang pumasok sa mga hindi patas na kasunduan at wala ding malapitan sakaling magkaroon ng problema.
Sa ilalim ng panukalang batas, ipinaliwanag pa ng Party List solon na ang mga freelance worker ay ang sinumang self-employed na o single-person entity na kinuha upang magbigay ng serbisyo bilang independent contractor.
Ayon kay Oducado, sila ang mga nagtatrabaho gamit ang kanilang sariling pamamaraan at hindi kontrolado ng kumukuha sa kanila maliban sa inaasahang trabaho.
Ang House Bill No. 8785, sabi pa ni Oducado na pinamagatang “Freelancer Workers Protection Act” ay nagtatakda ng obligadong nakasulat na kontrata, nangangailangan ng hindi bababa sa 30% down payment, nagbibigay ng night shift differential at hazard pay.
Ipinaliwanag din ng mambabatas na kasama na dito ang pagpapataw ng multa na hanggang P5,000 laban sa late payment, manipulasyon ng kontrata at pananakot.
“Right now, freelancers can be ignored, short changed or replaced without consequence and many hiring parties abuse this gap in law,” paliwanag ni Oducado.

