Calendar
LTO naglabas ng SCO vs coaster na sangkot sa banggaan
NAGLABAS ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order (SCO) laban sa may-ari at driver ng government-owned coaster na sangkot sa banggaan habang nagtatangkang pumasok sa EDSA Carousel bus lane.
Inatasan ang may-ari at driver na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO at magsumite ng sinumpaang salaysay at mga orihinal na dokumento upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat managot ang driver sa mga posibleng paglabag.
Kabilang sa mga posibleng paglabag ang reckless driving, paglabag sa traffic signs dahil sa paggamit ng EDSA Carousel bus lane at pagiging hindi karapat-dapat na magmaneho ng sasakyang de-motor.
Idinagdag ng ahensya na ang lisensya ng driver ay isinailalim sa 90-araw na preventive suspension habang ang sasakyan ay inilagay sa alarm status.
Sinabi rin ng LTO na ang hindi pagdalo o hindi pagsusumite ng kinakailangang paliwanag ay ituturing na pagtalikod sa karapatang marinig at ang kaso ay pagpapasyahan batay sa mga ebidensyang hawak ng ahensya.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ipatutupad ng ahensya ang mga batas trapiko sinuman ang may-ari ng sasakyan o katayuan ng mga sangkot.
“The LTO is impartial and will not tolerate any violation of traffic laws, regardless of the ownership or status of the parties involved,” ani Lacanilao.

