Chua

Chua: Maaaring higit pa sa P6.7B bank transactions ni VP Sara ayon sa AMLC

135 Views

ANG bilyun-bilyong pisong bank transactions na na-flag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay kay Bise Presidente Sara Z. Duterte ay maaaring maliit na bahagi lamang ng aktwal na halagang dumaan sa kanyang mga account, babala ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua noong Sabado.

Ayon kay Chua, chair ng House Committee on Good Government and Public Accountability at miyembro ng House Committee on Justice, ang datos ng AMLC—na umabot na sa P6.77 bilyon na flagged transactions—ay sumasaklaw lamang sa “covered” at “suspicious” transactions, at hindi kasama ang posibleng napakaraming maliliit na deposito na hindi kailangang i-report.

“Hindi naman po ito ibig sabihin na ito ‘yung total na pagdedeposit nila. Pupwede pong mas malaki pa po rito,” ani Chua sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

Ayon pa kay Chua, mahalagang isaalang-alang ang limitasyon ng datos ng AMLC sa pagsusuri ng lawak ng financial activity na kinasasangkutan ni Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Manases “Mans” Carpio.

“Ito pong nasa AMLC na nakadeklara. Ito po ‘yung mga covered transaction at saka suspicious transaction lamang. Hindi pa rito kasali ‘yung mga pinasok o dineposito sa kanilang account na mas mababa sa covered transaction,” dagdag niya.

Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng umiiral na mga patakaran, tanging mga transaksyon na lampas sa itinakdang halaga ang awtomatikong nire-report sa AMLC.

“Kasi ‘pag sinabi mong covered transaction, ibig sabihin po niyan, P500,000 pataas. So pagka P500,000 pataas, talagang nire-report po ‘yan sa AMLC ng bangko. Pero pagka mga below that, hindi po ‘yun nire-report,” paliwanag niya.

Dahil dito, sinabi ni Chua na hindi dapat ituring na kabuuang halaga ng deposito o transaksyon ang mga numerong iniharap sa House justice panel.

Sa nakaraang impeachment hearing noong Miyerkules, kinumpirma ng AMLC na si Duterte at ang kanyang asawa ay may kaugnayan sa 663 bank transactions—630 covered at 33 suspicious—na nagkakahalaga ng P6.77 bilyon, na isinumite sa komite bilang bahagi ng nagpapatuloy na impeachment proceedings.

Sa kabuuang halaga, P4.42 bilyon ang inflows at P1.55 bilyon ang outflows, habang may karagdagang P791.1 milyon na hindi matukoy ang kategorya.

Naglabas ng paglilinaw si Chua kasunod ng pahayag ng kampo ni Duterte na “bloated” o pinalaki ang AMLC figures, na anila ay nagpapakita lamang ng galaw ng pera at hindi nangangahulugang personal na yaman o pagmamay-ari.

Ngunit sinabi ni Chua na hindi nito natutumbok ang layunin ng imbestigasyon, at iginiit na ang AMLC report ay hindi ginagamit upang patunayan ang pagkakasala kundi upang maglatag ng mga pattern na nangangailangan ng paliwanag.

“Alam po ninyo, kasi ang ini-establish po natin dito, ‘yung unexplained wealth. So ang ibig sabihin po, ‘yung paglago ng yaman niya,” ani Chua.

“Ngayon, para po malaman, para po makita po ‘yung unexplained wealth, syempre kailangan tingnan po ninyo ‘yung history. Simula po na siya ay pumasok sa gobyerno, hanggang sa kasalukuyan na siya po ay nanunungkulan bilang bise-presidente,” dagdag niya.

Binigyang-diin niya na ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat makapagpakita na sapat ang kanilang idineklara na kita upang suportahan ang kanilang naipong yaman, batay sa kanilang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs).

“So dito po sa pag-establish niyan, syempre kailangan ma-establish din niya o maipakita niya na ‘yung kanyang mga kinikita ay sapat base po doon sa SALN na kanyang isinumite,” aniya.

Ayon sa datos na iniharap sa parehong pagdinig ng kinatawan mula sa Office of the Ombudsman, ang idineklarang net worth ni Duterte ay tumaas mula P7.25 milyon noong 2007 hanggang P88.51 milyon noong 2024, na may mga pagtaas sa pagitan ng mga taon.

Gayunpaman, itinuro ni Chua ang agwat sa pagitan ng mga deklarasyong ito at ng laki ng mga transaksyon na makikita sa talaan ng AMLC.

“Pero paano po ipaliliwanag na ‘yung numero po hindi tumutugma doon sa numero naman po ng AMLC, which is nagdedeklara po ng P4.4 billion na inflow at P1.5 billion na outflow. Ibig sabihin, ito po ‘yung mga pumasok at lumabas,” ani niya.

Binigyang-diin niya na kahit ang bilyun-bilyong na-flag na ay maaaring mas mababa pa sa aktwal, dahil ang mas maliliit na transaksyon ay hindi saklaw ng mandatory reporting system ng AMLC.

Patuloy na sinusuri ng House Committee on Justice ang mga natuklasan ng AMLC at kaugnay na financial records habang tinutukoy kung may sapat na basehan upang ituloy ang impeachment case laban sa Bise Presidente.