Calendar
Hindi hahayaan ni Lord na maligaw tayo ng daan. Siya ang ating “waze” patungo sa Ama (Juan 14:1-12)
“SUMAGOT si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama, kundi sa pamamagitan ko”. (Magandang Balita Biblia – Juan 14:6)
NAPAKALAKING tulong ang naibibigay ng “waze” para sa mga taong naglalakbay. Hindi na sila maliligaw papunta sa kanilang destinasyon dahil mayroon isang napaka-epektibong “apps” na magtuturo sa atin ng tamang direksiyon.
Sa ating paglalakbay, kinakailangan talaga ng giya (guide) para hindi tayo maligaw patungo sa ating pupuntahan at para magabayan din tayo sa tamang direksiyon sapagkat “ANG MGA TAONG MADALAS MALIGAW” ay iyong WALANG SINUSUNDANG GABAY at GUMAGAWA NG KANILANG SARILING DAAN.
Ganito ang paalala sa atin ng Mabuting Balita ngayong Linggo (Juan 14:1-12) matapos wikain ng ating Panginoong HesuKristo na siya ang daan, ang katotohanan at ang buhay sapagkat walang makakapunta sa Ama kung hindi muna tayo mananampalataya sa kaniya bilang bugtong na Anak ng Diyos.
Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na si Hesus ang ating daan patungo sa Ama kaya hindi tayo dapat mabagabag dahil ang kailangan lamang natin gawin ay ang lubos na magtiwala sa kaniya bilang tagapagligtas at gabay patungo sa buhay na walang hanggan.
Minsan, kaya may mga kapatid tayo na naliligaw ng landas o nalilihis ng direksiyon sa buhay dahil gumagawa sila ng kanilang sariling daan. Masyado silang bilib na bilib sa kanilang sariling kakayahan na kaya nilang patakbuhin ang kanilang buhay – kahit wala ang tulong at gabay ng “Panginoong Diyos”.
SI HESUS ANG WAZE SA ATING BUHAY:
Minsan, kapahamakan ang kinasasapitan ng mga taong gumagawa ng kanilang sariling direkisyon sa buhay. Mas lalo pa nga silang naliligaw ng direkiyon at nagkakawindang-windang, kaya ilan sa kanila ang mistulang nahuhulog sa kumunoy ng mabibigat na suliranin na halos nahihirapan na silang makaahon.
Ang “daan” o direksiyon na sinundan nila ay hindi ang daan papunta at palapit sa Diyos kundi palayo pa nga sa kaniya, sapagkat ito ang daan patungo sa pagkakasala.
Ito ay ang daan papunta sa pagkalulong sa masasamang bisyo, ang daan patungo sa direksiyon ng pakiki-apid, ang daan patungo sa pagkalulong sa pagsusugal, ang daan papunta sa pagkalulong sa alak at sa dulo nito ay ang daan sa pagkawasak ng ating pamilya bunsod ng maling direksiyon na tinahak natin sa buhay.
Pinapaalalahanan tayo ngayon ng Mabuting Balita na panahon na para baguhin natin ang maling daan na tinahak natin sa buhay. Panahon na para magbago tayo ng direskiyon at sundan ang daan patungo kay HesuKristo upang tayo ay makarating sa Ama.
ANG ARAL NA DAPAT NATIN MAUNAWAAN:
Winika din ni Hesus sa Pagbasa na siya ang “KATOTOHANAN”. Ang kaniyang mga turo na nababasa natin sa Bibliya ang nagsisilbing gabay natin sa buhay upang huwag tayo mahulog sa pagkakasala at mapariwara na siyang pangunahing layunin ng “kasalanan”. Ang katotohanang malayo ang tao sa piling ng Diyos.
Sa kaniyang Ministeryo, ang inilalako ni Hesus ay hindi “FAKE NEWS” kundi katotohanan. Anong katotohanan ito? Ang katotohanan na kung sinoman ang mananampalataya sa kaniya ay maliligtas at magtatamo ng buhay na walang hanggan.
Sinabi din ni Hesus na siya ang “BUHAY”. Hindi tayo makakarating sa sa Ama kung hindi tayo dadaan kay Hesus. Ano ba ang nais nating matamo sa ating buhay? Isang buhay na wala tayong ibang gagawin kundi kumain, uminom at magpakasaya. Tapos pagka-gising natin sa umaga, ganoon na naman ulit.
Kapag ang tao ay walang sinusundang direksiyon sa buhay, kasunod nito ang magulo at maligalig niyang pamumuhay. Hindi niya alam kung ano pa ba ang purpose niya sa buhay. Kaya minsan, may mga taong naririnig tayo na nagsasabing “buwisit na buhay ito”.
Hindi ang buhay ang buwisit. Kundi ang kawalan mo ng direskiyon sa buhay at ang buhay mo na walang pinatutunguhan. Ang buhay mo ay nakasentro na lamang sa kakain, matutulog, mag-istambay at kung ano-ano pa. Kaya mahalaga na “KILALANIN NATIN SI HESUS” at isuko natin ang ating “BUHAY” sa kaniya.
HINDI HAHAYAAN ni Hesus na “MALIGAW TAYO NG DAAN” at mapariwara ang ating buhay.
Gaya ng sinabi na natin na si Hesus ang “waze” sa ating buhay. Siya ang magbibigay sa atin ng tamang direksiyon, kundi natin siya kikilalanin at papapasukin sa ating buhay. lagi na lamang tayong naliligaw at parang sasakyan na bumibiyahe ng walang direksiyon at hindi alam kung saan talaga patungo.
Tandaan lamang natin na ang Mabuting Balita ngayong araw ang nagpapa-alaala at nagtuturo sa atin kung anong daan ang nais nating tahakin sa buhay. Ang daan patungo sa kawalan ng direksiyon o ang daan papunta kay HesuKristo.
Pakatandaan lamang natin na ang “daan sa buhay na ito” ay mayroong “dead-end” at sa kalaunan ay sa kapahakamakan. Habang ang daan naman patungo kay Hesus ay tuloy-tuloy o papunta sa buhay na walang hanggan. Isang daan na makakatiyak tayo ng kaluwalhatian.
MANALANGIN TAYO:
Panginoon naming Diyos. Nawa’y gabayan mo po kami sa buhay na ito upang hindi kami maligaw, patnubayan mo kami Panginoon para sa pamamagitan mo ay makarating kami sa Ama.
Ipinapanalangin din namin ang aming mga kapatid na naliligaw ng daan. Tulungan niyo po sana silang mahanap ang totoong direksiyon papunta sayo.
AMEN
