Edd Reyes

Kaligtasan sa lansangan layunin ng NCAP

Edd Reyes Oct 7, 2026
175 Views

TINIYAK nina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na hindi magkakaroon dobleng Notice of Violation ang motorista na mahu-hulicam sa iisang lugar.

Ayon kay Atty. Artes, walang camera ang ahensiya at mga lokal na pamahalaan na nakalagay sa magkapareho o iisang lugar saan mang pangunahing lansangan dahil nakapag-establish na aniya sila ng hangganan kung saan dapat ilagay ang camera ng ahensiya at lokal na pamahalaan.

Sa panig naman ni Yorme Isko, sinabi niya na kung sakali at may umusbong na konting problema sa hinaharap, handa silang ipaubaya sa MMDA ang anumang solusyon lalu na sa usapin ng universal ticketing, implementasyon, at kung may kukuwestiyon sa inilabas na notice of violation.

Sinabi pa ng alkalde na ang nais lamang talaga niya ay mapanatili ang kaligtasan, hindi lamang ng mga pedestrians, kundi maging mga motorista at mailagay sa kaayusan ang mga kalsada sa kapitolyo ng bansa.

Pero kahit maganda ang layunin at resulta ng pagpapatupad ng NCAP, hindi pa rin talaga mawawala ang mga kokontra sa pagpapatupad nito, lalu na ang ilang grupo ng pampublikong transportasyon, na pangunahing maaapektuhan ng naturang sistema ng panghuhuli sa mga lumalabag sa batas-trapiko.

Sa ngayon ay dry run o pagsasanay lang muna ang pagpapatupad ng NCAP sa mga lansangan sa Maynila, Quezon City, Muntinlupa at San Juan habang pansamantala munang pinigil ang pagpapatupad nito sa mga Lungsod ng Valenzuela at Paranaque.

May katuwiran naman talaga sina Valenzuela Mayor Wes Gatchalian at Paranaque City Mayor Edwin Olivarez na suspendihin muna ang NCAP dahil maraming kalsada pa nila ang kinukumpuni kayat hindi makatarungan para sa mga motorista na ipatupad ito,

Sa ngayon, sa mga intersection at mga pedestrian crossing na may stop light muna may nakalagay na camera ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) pero sa mga darating na araw ay maglalagay na rin sila sa kahabaan ng mga primary at secondary roads upang matiyak na walang mag-oovetake o magka-counter flow na mga pasaway na motorista.

DPWH Secretary Vince Dizon hindi kapit-tuko sa puwesto

Marami ang bumilib kay Department of Public Works and Highway (DPWH) Secretary Vince Dizon nang mistula niyang soplahin si Senator Imee Marcos nang sitahin ang pananatili niya bilang acting secretary ng ahensiya ng lagpas na sa legal na panahon na isang taon nang walang kumpirmasyon mula sa Commission on Appointments (CA).

May umiiral kasing batas na ang isang pansamantalang pagtatalaga ay may limitasyon lang ng isang taon para maiwasan ang kanilang pang-aabuso sa posisyon.

Pero sabi ng kalihim, hindi naman siya ang appointing authority at wala siyang direktang kontrol sa kanyang pagkakatalaga kundi yung nagtalaga sa kanya. Para bang gustong sabihin ni Sec. Dizon na sitahin ni Sen. Marcos ang appointing authority at hindi siya.

Sabi pa nga ni Dizon, musika sa kanyang pagdinig kung legal na paso na ang kanyang termino at kailangan na siyang umalis sa puwesto dahil pagod na rin siya sa bigat ng trabaho sa DPWH na kailangan niyang gampanan ng maayos.

Ibig lang sabihin ng kalihim na hindi siya kapit-tuko sa puwesto at masaya niyang tatanggapin kung kinakailangan na siyang bumitaw sa tungkulin.

Pero matapos nito, sa halip na sibakin, ay muling itinalaga ng Malakanyang sa puwesto si Dizon, kasama si DOTr Secretary Giovanni Lopez bilang mga acting secretary ng kani-kanilang ahensiya.

Inihayag pa nga ni Executive Secretary Ralph Recto na sa tamang panahon ay isasailalim din naman sa pagdinig ng CA ang dalawa kapag naisumite na ng Pangulong Bongbong Marcos ang kanilang mga pangalan para sa kumpirmasyon.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0915-649-2023 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com