Gas Source: QCPD PIO

‘Gas and run’ nangyari ulit sa Quezon City

27 Views
Gas1
Source: QCPD PIO

ISA na namang insidente ng gas and run ang nangyari sa Quezon City kung saan isang lalaking sakay ng asul na sedan ang tumakas nang hindi nagbayad sa isang gasoline station sa Mindanao Avenue, Quezon City, madaling araw ng Mayo 3, 2026.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang insidente bandang 3:16 a.m. sa isang gasolinahan sa Barangay Bahay Toro.

Nagpakarga umano ng gasolina ang suspek na umabot sa halagang ₱1,500, ngunit bigla itong umarangkada at tumakas nang hindi nagbabayad.

Agad na ini-report ng gasoline attendant ang insidente sa pulisya, dahilan para maglabas ng flash alarm ang mga awtoridad. Sa ngayon, sinusuri na ang mga kuha ng CCTV sa lugar at mga kalapit na establisyemento upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.

Nanawagan naman ang QCPD sa publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa imbestigasyon. Hinihikayat ang sinumang may impormasyon ukol sa insidente o nakakakilala sa suspek na agad makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o tumawag sa E911 at QC Helpline 122.

Patuloy ang operasyon ng pulisya para sa agarang pagkilala at posibleng pag-aresto sa tumakas na motorista.