Edd Reyes

Di pagtanggap ng sweldo kailangan pa bang pag-isipan ng kampo ni Bato?

Edd Reyes May 6, 2026
23 Views

AKMANG-AKMA pala talaga kay Senator Ronald Dela Rosa ang bansag na “Bato” dahil sa tigas ng paninindigan na tumanggap ng sahod at allowance na hindi naman niya pinaghihirapan.

Alam na alam naman tiyak ng senador na ang tinatanggap niyang sahod at allowance ay mula sa buwis ng taumbayan, kasama rito ang bahagi ng kinikita ng mga ordinaryong manggagawa, na nagpapagal sa araw-araw na pagta-trabaho para sumahod ng kakarampot.

Mahigit kalahating taon ng tumatanggap ng halos P300.000 kada buwang sahod si Sen. Bato habang ang napakaraming ordinaryong manggagawa ay halos wala ng maisip na paraan para maghigpit ng sinturon dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin at serbisyo.

Hindi na nga nila malaman kung papaano iba-budget ang kita kada buwan dahil dito nila kinukuha ang bayad sa kuryente, tubig, pagkain, internet, pamasahe, at iba pa pero itong ating tigasing mambabatas, tuloy ang sahod at allowance kahit hindi gumaganap sa tungkulin.

Nang hiniling nga ni Sen. JV Ejercito na kusa ng huwag tanggapin ni Bato ang sahod para ibasura na ang ethics complaint na isinampa sa pinamumunuan niyang komite, aba’y nagpahiwatig daw ang kampo ni Bato na pag-iisipan na raw niya ito. Anak ng tokwa, kailangan pa bang i-memorize yan?

Pero mukhang pampalubag-loob lang yata ito ng kampo ni Bato dahil higit isang linggo na nang ipahayag ito ni Sen. Ejercito, wala pa ring kalinawan kung tototohanin nga ng senador na i-wave ang kanyang sahod.

Bukod nga pala sa sahod at allowance, mayroon ding milyon-milyong Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ang bawa’t tanggapan ng mga mambabatas na aprobado ng national government para ilaan sa suweldo ng mga empleyado, renta ng opisina, kagamitan, at maging sa paglalakbay.

Pero sabi ni Senate President Pro-tempore Panfilo Lacson, nasa mambabatas na raw kung ibubulsa nila ang malaking bahagi ng kanilang MOOE.

Paglilipat sa renewable energy, pinag-aaralan na ng Navotas

MAGANDANG hakbang ang naisip ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas na paglipat nila sa renewable energy na mas malinis at pangmatagalan kumpara sa fossil fuels na nagbubuga ng greenhouse gases.

Nakipagpulong na kasi si Mayor John Rey Tiangco sa mga opisyal ng ACEN Renewable Energy Solution na bahagi ng Ayala Group na nagbebenta ng supply ng elektrisidad sa ilalim ng kanilang renewable energy platform, bilang bahagi ng layunin ng lokal na pamahalaan para sa isang mas sustainable na lungsod.

Ayon sa alkalde, malaki ang posibilidad na tanggapin nila ang panukala, lalo na ang pagsu-supply ng renewable energy sa mga pasilidad ng pamahalaang lungsod ng walang dagdag na gastusin at hindi kinakailangang baguhin ang kasalukuyang sistema.

Pag-aaralan aniya nilang mabuti ang pinakamabuting opsiyong napag-usapan sa pagpupulong upang matiyak ang mas mabisa at makakalikasang paggamit ng enerhiya.

Pag nagkataon, ang Navotas City Hall ang unang tanggapan ng lokal na pamahalaan sa Kamaynilaan na gagamit ng renewable energy sa kanilang mga pasilidad.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com