Calendar
Panukalang ipinagbabawal diskriminasyon sa mga babaeng empleyado aprubado sa Kamara
MAHIGPIT ng ipagbabawal ang diskriminasyon laban sa mga babaeng empleyado.
Ito ay matapos makakuha ng “overwhelming” na boto mula sa 227 miyembro ng Kamara de Representantes ang panukalang batas na nagpapalawak sa mga ipinagbabawal na diskriminasyon laban sa mga kababaihan sa kanilang trabaho.
Inaprubahan sa Plenaryo ng Mababang Kapulungan para sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukalang batas na mahigit na ipinagbabawal ang anomang uri ng diskriminasyon na umiiral laban sa mga kababaihang empleyado.
Layunin din nito na palakasin ang legal protection laban sa hindi pantay na pasahod, may pagkiling sa promotion, hindi makatarungang pagtatalaga ng tungkulin, pagkakait ng mga benepisyo at pag-sisante ng isang empleyado dahil sa kaniyang kasarian (gender).
Si House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos (isa sa mga main author ng House Bill No. 7704) ay nagsabi na ina-update ng nasabing panukala ang Labor Code of the Philippines.
Ipinaliwanag ni Marcos na nais ng HB No. 7704 na masalamin kung paano tunay na nangyayari ang diskriminasyon sa mga kababaihan na talamak sa mga opisina, pagawaan at iba pang working place na nagpapatuloy sa kasalukuyan.
“Ang diskriminasyon ay hindi laging maingay o lantad. Minsan, nakatago ito sa mas mababang sahod, mas kaunting assignment, ipinagkakait na benepisyo o mga desisyong tahimik na nagsasantabi sa mga kababaihan. Iyan mismo ang uri ng sistema sa trabaho na nais tugunan ng batas na ito,” ani Marcos.
Binigyang diin pa ng kongresista na ang pagkakapsa pa ng House Bill No. 7704 ay bahagi ng tinatawag na “pro-women legislation” sa ilalim ng mahusay na pamumuno ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III kung saan bininibigyang prioridad ang pagkakaroon ng pantay na karapatan para sa mga kababaihan.

